PatrolPH

International arrivals sumadsad nang halos 80 porsiyento ngayong 2020

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2020 08:41 PM

MAYNILA – Bagsak ang naging arrival o ang dami ng mga dumating na international travelers sa bansa ngayon taon dahil sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic, batay sa ulat ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Lunes.

Sa datos ng BI, 79 porsyento ang ibinaba ng bilang ng international traveler na pumasok sa bansa dahil sa travel restrictions na ginawa para agapan ang pagkalat ng bagong coronavirus.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, mahigit 3.5 milyon pasahero ang dumating sa bansa mula Enero hanggang Disyembre 15, kumpara sa mahigit 16.7 milyon noong 2019.

Sabi ni Morente, 2.03 milyon sa mga dumating ay mga Pinoy habang ang 1.54 milyon ay mga dayuhan.

Dagdag niya, inaasahan ang ganitong trend hanggang sa unang bahagi ng 2021, pero posibleng tumaas kapag marami nang nabakunahan.

"We expect these passenger statistics to remain low perhaps until early next year, but we remain hopeful that the international travel sector recovers soon, especially once the vaccine reaches our shores and confidence in travel is restored," ani Morente.

Ayon sa United Nations World Tourism Organization, inaasahan nang bababa talaga sa mahigit 70 porsiyento ang international tourism.

– Mula sa ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.