BALIKAN: Mga tinalakay sa pulong tungkol sa bagong COVID-19 variant | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

BALIKAN: Mga tinalakay sa pulong tungkol sa bagong COVID-19 variant

BALIKAN: Mga tinalakay sa pulong tungkol sa bagong COVID-19 variant

ABS-CBN News

 | 

Updated Dec 27, 2020 05:56 PM PHT

Clipboard

Isang public health warning sign sa gitna ng pagkalat ng COVID-19 sa London noong Disyembre 22, 2020. Toby Melville, Reuters

Sumentro sa magiging aksiyon ng gobyerno laban sa bagong variant ng COVID-19 ang ipinatawag na pulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang noong gabi ng Sabado.

Kasunod ito ng mga ulat na mas nakahahawa ang bagong variant ng virus na nadiskubre sa United Kingdom.

Sa simula, agad ipinatigil ni Duterte ang nakatakdang dry run para sa face-to-face classes sa Enero.

"'Yong order ko noon kay Briones, I’m calling back the order and I will not allow face-to-face classes of children until we are through with this," ani Duterte.

ADVERTISEMENT

Kinumpirma ito ng Department of Education at sinabi sa opisyal nilang pahayag na susunod sila sa pangulo.

Nagbabala rin ang pangulo na maaaring magpatupad muli ng lockdown sakaling makapasok ang UK variant ng virus sa bansa pero nilinaw na depende pa rin ito sa situwasyon.

"Actually 'yong lockdown is a possibility. I said we are making some projections. But if the severity in numbers would demand that we take corrective measures immediately, then we'll just have to go back to lockdown," ani Duterte.

Para kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, dapat munang tukuyin ang threshold bago magpatupad ng lockdown.

Hindi naman ito kailangan, ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.

ADVERTISEMENT

"I think the IATF (Inter-Agency Task Force) should put a threshold kung ilan araw-araw lumalabas na ano, then we might enforce again tighter lockdown," ani Lorenzana.

"Right now, there is no necessity to call for a lockdown... But we have to close the border if there is a real situation that will occur later on," sabi naman ni Año.

Disyembre 22 nang inaprubahan ng IATF ang pansamantalang pagsuspende ng flight mula UK, na tatagal mula Disyembre 24 hanggang 31.

Pero noong gabi ng Sabado, inaprubahan ni Duterte na palawigin pa ito nang 2 linggo.

Sa tanong ng pangulo kung dapat bang mag-travel restriction sa mga bansang nakapagtala ng bagong variant ng virus, sagot ni Health Secretary Francisco Duque: "Ikunsidera lamang ang travel ban, Mr. President kung nasa lebel na ng community transmission ang new variant sa naturang bansa.”

ADVERTISEMENT

Sang-ayon naman sa kaniya si Año.

"Bago mo i-consider ang isang bansa na iba-ban natin, kapag talagang mayroon na doong tinatawag nating community transmission. Kapag sila mismo 'di ma-control ang community transmission," aniya.

Hindi naman sinang-ayunan ng pangulo ang panukala ni Labor Secretary Silvestre Bello III na isama sa travel ban ang mga overseas Filipino worker.

Para kay Sen. Francis Pangilinan, dapat nang magpatupad ng travel ban.

Wala rin dapat exemption sa travel ban, ayon kay BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co.

ADVERTISEMENT

Kinontra naman ni Sen. Panfilo Lacson ang pahayag ni Duque.

"Hayaan daw munang kumalat sa Pilipinas ang COVID-19 variant mula sa UK bago mag-travel ban. Galit ba sa Pilipino ang taong ito?" ani Lacson.

Sa usapin ng bakuna, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez na sa Mayo ang pinakamaagang maaari itong makarating sa bansa.

Magkakaroon din ng contract signing sa Pfizer ang gobyerno sa Enero.

Maaari namang umabot sa 80 million doses ng bakuna ang makukuha ng bansa sa patuloy na pakikipag-usap sa mga kompanyang gumagawa nito.

ADVERTISEMENT

Bukod sa travel ban extension sa UK, inaprubahan din ni Duterte ang mahigpit na mandatory 14-day quarantine sa mga nagmumula sa mga bansang may naitalang kaso ng bagong variant ng COVID-19.

Aprubado rin ang pagpapalakas ng genomic surveillance o pagsusuri ng virus, at mas mahigpit na border control sa pamamagitan ng pagbalangkas ng implementing rules and regulation para sa advanced passenger information system.

Muling magpapatawag ng IATF meeting ang pangulo sa Disyembre 28.

Watch more in iWantv or TFC.tv

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.