Quiboloy at 5 iba pa, sinampahan ng reklamong rape

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 11:48 PM

DAVAO CITY — Sinampahan ng reklamong rape ng dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) ang pinuno ng naturang sekta na si Pastor Apollo Quiboloy nitong Miyerkoles matapos umanong halayin ng religious leader ang babae noong nasa kolehiyo pa.

Limang iba pa ang kinasuhan din ng babae ng panggagahasa.

Ayon sa dating miyembro ng sekta, taong 2014 at 17-taong gulang siya noong ginahasa siya nila Quiboloy habang iskolar pa siya ng religious leader. Naninirahan pa umano sa Jose Maria College ang babae noong ito'y nangyari.

Mariing itinanggi ng abugado ni Quiboloy ang mga paratang laban sa kaniya. 

Inasahan na umano nito ng pastor matapos niyang mag-file ng kasong libel laban sa babae ngayong taon.

Gumagamit umano ng dummy account sa social media ang babae para manira kay Quiboloy. 

Ayon sa kampo ng pastor, posibleng may ibang tao na nasa likod nito para pabagsakin ang kilalang religious leader, na matalik na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayon, sinusubukan pa ng ABS-CBN News na makunan ng pahayag ang kampo ng babae. - ulat ni Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.