SAPUL SA CCTV: Sekyu, sinaksak ng lasing sa Pangasinan

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 04:14 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sugatan ang isang security guard matapos saksakin ng isang lalaking lasing sa Calasiao, Pangasinan Lunes ng gabi.

Sa kuha ng CCTV mula sa isang convenience store, makikita na inaawat ang salarin na nakasuot ng puting t-shirt.

Maya-maya, biglang sinugod ang salarin at binugbog ng biktima at ng kanyang kasama.

Habang inaawat sila, kinuha ng salarin ang kanyang cutter at sinaksak ang biktima sa likod.

Nahuli naman ang salarin nang mapadaan ang isang off-duty na pulis.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, lasing umanong pumunta sa lugar ang suspek para awayin ang kanyang asawa dahil sa selos.

Napagdiskitahan umano nito ang biktima na nag-iinuman sa lugar.

Naareglo naman ang kasong isinampa sa nanaksak. 

Nangako itong sasagutin ang ginastos sa pagpapagamot ng biktima at babayaran ang dalawang linggong sahod nito bilang isang security guard.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.