'Rebolusyonaryo, di aktibista': Pinaslang na pari, inalala ng mga kaibigan

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 09:19 AM

Puno ng mga bulaklak mula sa mga nakikiramay ang paanan ng kabaong ni Fr. Marcelito Paez. ABS-CBN News

MANILA - Nagbigay-pugay sa pinaslang na si Fr. Marcelito "Tito" Paez ang kaniyang mga kaibigan at kapwa pari sa San Jose, Nueva Ecija sa huling gabi nito.

"Si Fr. Tito ay hindi aktibista, si father Tito ay rebolusyunaryo," sabi sa ABS-CBN News ni Msgr. Rolando Mabutol, isa sa mga pinakamatagal nang kaibigan ni Paez.

"Ang isang rebolusyunaryo, malaki ang pagmamahal sa bayan, sa mga mahihirap, lalo na sa mga magsasaka."

Hindi rin aniya alam ng karamihan na hilig ng 72-anyos na si Paez ang sumayaw, lalo na tuwing may kapistahan.

Inilarawan naman ni Fr. Ian Andal ang pagiging palakaibigan ni Paez, na kilala aniya sa bansag na "Fr. Cool."

"Si Fr. Tito hindi ko pa po nakikitang magalit, hindi ko pa pa nakikitang maasar, hindi ko pa po nakikitang nagtataas ng boses," sabi ni Andal.

Itinuturing naman ni Fr. Edwin Bravo na kapatid si Paez sa kabila ng 30 taon na agwat sa kanilang edad.

Aniya, "Naging bahagi siya sa akin, especially my longingness of having a brother dahil nag-iisa lamang po akong lalaki sa aming magkakapatid."

Namatay si Paez matapos pagbabarilin ng 4 na naka-motorsiklong suspek sa Jaen, Nueva Ecija nitong Disyembre 4.

Bago ang insidente, tumulong pa si Paez para mapalaya ang political prisoner na si Rommel Tucay na nakakulong sa Cabanatuan, ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Naging aktibo rin si Paez noong 1980s bilang lider ng Central Luzon Alliance for a Sovereign Philippines na nangampanya para matanggal ang base militar ng Amerika sa bansa.

Kilala din si Paez na nangunguna sa pagbibigay ng serbisyo ng Simbahan para sa mga komunidad at mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa Nueva Ecija at Central Luzon.

Una nang kinondena ng Simbahan at ilang militanteng grupo ang pagpatay kay Paez. Ulat ni John Germono, ABS-CBN News