Pari, patay sa pamamaril sa Nueva Ecija

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2017 05:03 AM | Updated as of Dec 05 2017 11:00 AM

(UPDATED) - Patay ang isang pari matapos itong pagbabarilin ng mga lalaking nakamotorsiklo sa Jaen, Nueva Ecija Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Fr. Marcelito "Tito" Paez, 72-anyos.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, sinundan umano ang sasakyan ng biktima ng 4 na lalaki sakay ng 2 motorsiklo saka ito pinagbabaril.

Nadatnan alas-7:45 ng gabi ng mga rumespondeng pulis ang sasakyan ni Paez na tadtad ng 9 na tama ng bala.

Narekober ng pulisya ang mga basyo ng bala ng kalibre .45 na baril.

Agad dinala sa ospital ang biktima pero binawian ng buhay sa Gonzales General Hospital pasado alas-10:30 ng gabi.

Ayon sa kapatid nitong si Ceferino, wala siyang maisip na merong nakaaway o nakasamaan ng loob ang biktima.

"Okay naman siya saka marami siyang kaibigan," aniya.

Nananatili na umano sa retirement home sa bayan ng Santo Domingo ang pari at naiimbitahan na lang para magsagawa ng misa sa iba't ibang lugar.

Ayon naman kay PO1 Alexander Carlos ng Jaena police, nakakausap pa umano ang biktima habang dinadala sa ospital.

"Nagbiro pa nga raw si father. Wala namang sinabing nakaaway o naiisip na may galit sa kanya," sabi niya.

Dagdag ni Carlos, "Ang sabi po ng doktor malapit po sa spine yung tama ni father tapos tinamaan din yung kanyang kidney."

Dalawang tama ng bala ang natamo ni Paez, ayon sa ulat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Bago maganap ang insidente, tumulong pa si Paez para mapalaya ang political prisoner na si Rommel Tucay na nakakulong sa Cabanatuan City.

Dagdag pa ng CBCP, si Paez ay nagsilbi bilang pari sa bayan ng Guimba at kasalukuyang coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines sa Central Luzon.

Naging aktibo din si Paez noong 1980s bilang lider ng Central Luzon Alliance for a Sovereign Philippines na nag-kampanya para matanggal ang base militar ng Amerika sa Central Luzon at iba pang bahagi ng bansa.

Kilala din si Paez na nangunguna sa pagbibigay ng serbisyo ng Simbahan para sa mga komunidad at naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa Nueva Ecija at Central Luzon.

Samantala, kinondena naman ng Promotion of Church People's Response, Karapatan at iba pang mga grupo ang pagpaslang sa pari.

Magsasagawa sila ng indignation action Martes ng tanghali sa Boy Scouts Cirle sa Timog Avenue, Quezon City para kay Paez at Pastor Lovelito Quiñones ng Oriental Mindoro na pinaslang naman noong Linggo, Disyembre 3.

Si Pastor Quiñones ng Kings Glory Ministry, at residente ng Sitio Anapla, Barangay Don Pedro, Mansalay, Oriental Mindoro, ay nabaril umano ng mga sundalo habang papauwi ng bahay sakay ng kanyang motorsiklo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.