PatrolPH

Mga taga-Datu Blah Sinsuat na nasalanta ng 'Paeng' hinatiran ng relief packs

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2022 02:53 PM

https://sa.kapamilya.com/absnews/abscbnnews/media/2022/tvpatrol/11/30/datu-blah-sinsuat.jpg

Narating ng Sagip Kapamilya ng ABS-CBN Foundation ang ilang lugar sa Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte upang mamahagi ng tulong sa mga residenteng nasalanta ng Bagyong Paeng.

Sa tulong ng mga partner, nakapamahagi ang Sagip Kapamilya ng relief packs sa higit 100 pamilya sa Barangay Penansaran.

Nabigyan din ng mga bigas at de-lata ang higit 300 pamilya sa Barangay Pura maging sa mga taga-Barangay Matuber.

Kasama sa mga residenteng nabigyan ng tulong si Not Bandon, na natangay ng malakas na alon ang bahay sa gitna ng pananalasa ng bagyo.

Umabot aniya hanggang baywang ang baha sa loob ng kanilang bahay at wala silang nailigtas na gamit.

"Takot na kami po sa tuwing malakas ang ulan. Kinakabahan na kami rito," ani Bandon na pansamantalang tumutuloy sa bahay ng kaniyang anak.

Nasapul din ng bagyo si Bai Myrna Sinsuat, chairperson ng Barangay Penansaran.

Kung dati tuwing may kalamidad ay siya ang laging tumutulong, siya na ang nangailangan ng tulong matapos wasakin ng Bagyong Paeng ang kaniyang bahay.

"Dati natatakot kami na tamaan kami ng tsunami. Ito, hindi namin sukat akalain iyong baha lumalaki, may kasamang kahoy-kahoy," sabi ni Sinsuat.

Sa evacuation center pansamantalang tumutuloy ang pamilya ng barangay chairperson, na pinayuhan ang kaniyang mga kabarangay na huwag panghinaan ng loob.

"Mayroong tutulong sa atin para makaahon tayo," ani Sinsuat.

Patuloy ang panawagan ng mga taga-Datu Blah Sinsuat na matulungan silang maisaayos ang kanilang tirahan para may masilungang muli.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.