ALAMIN: Mga pinagdaanang dagok ni Andres Bonifacio | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Mga pinagdaanang dagok ni Andres Bonifacio

ALAMIN: Mga pinagdaanang dagok ni Andres Bonifacio

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bago naging Supremo ng Katipunan at Ama ng Rebolusyon si Andres Bonifacio ay humarap muna siya sa iba't ibang matinding pagsubok.

Nobyembre 30, 1863 isinilang si Bonifacio sa isang mahirap na pamilya sa Tutuban na bahagi ng Tondo.

Ang ama niya na si Santiago ay naging bangkero, kargador, at teniente mayor, habang maestra o supervisor sa isang pabrika ng sigarilyo ang ina niyang si Catalina.

Naulila si Bonifacio sa edad na 19 at tumigil sa pag-aaral para magtrabaho. Naging bodegero siya, clerk, at ahente ng isang banyagang kompanya.

ADVERTISEMENT

Paliwanag ni Bernard Melendez, ang curator ng Museo ng Katipunan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ang pagsusumikap ni Bonifacio ay katangian na maaari pa ring pulutin ng bagong henerasyon.

"Ang aspect ng buhay ni Bonifacio na applicable pa rin ngayon at puwedeng gayahin ng mga kabataan ay iyong hindi niya pagsuko sa mga hamon ng buhay... Hindi siya sumuko lalo na bilang panganay, nilabanan niya hanggang umayos ang buhay nilang magkakapatid," paliwanag ni Melendez.

'FAN' NI JOSE RIZAL

Tagahanga rin umano ni Jose Rizal si Bonifacio at nabasa niya noon ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo kaya sumapi siya sa La Liga Filipina na itinatag ng pambansang bayani.

Matapos malamang ipinatapon si Rizal, itinatag ni Bonifacio noong Hulyo 7, 1892 ang KKK o Kataastaasan, Kagalang-galangan na Katipunan ng mga Anak ng Bayan.

Isa itong sekretong samahan na layong palayain ang Pilipinas mula sa mga Kastilang mananakop.

Sa sigaw sa Pugadlawin noong Agosto 1896 ang unang pagsalakay ng mga katipunero sa pamumuno nina Bonifacio at kaibigang si Emilio Jacinto.

ADVERTISEMENT

Mahigit 150 katipunero ang namatay. May mga nahuli at ang ilan, binaril sa Bagumbayan.

"Bagama't marami silang mga pagsubok regarding sa pangongolekta ng mga armas, ng finances, and strategies, talagang nilabanan nila ang mga Kastila," ani Melendez.

HIDWAAN

Hindi nagkasundo ang grupo ni Bonifacio at grupo ni Emilio Aguinaldo kung paano patatakbuhin ang bubuuing pamahalaan.

Hindi kinilala ni Bonifacio ang paghalal kay Aguinaldo bilang presidente ng bagong revolutionary government sa Tejeros Convention noong Marso 1897.

Dahil dito ay inaresto si Bonifacio at nilitis ng isang military court dahil sa akusasyon na nais niyang patalsikin si Aguinaldo at ang bagong pamahalaan.

Ang hatol kay Bonifacio ay kamatayan.

Mayo 10, 1897, binaril ng grupo ng mga sundalo si Bonifacio at ang kapatid na si Procopio sa Maragondon, Cavite. Namatay si Bonifacio sa edad na 33.

Kabilang sa mga iniwang salita ni Bonifacio ang paghimok niya na magkaisa ang lahat sa harap ng kasamaan, imulat ang bulag na kaisipan, at igugol ang lakas sa kagalingan sa pag-asang magtatagumpay para sa ginhawa ng bayan.

"Itinuturo ng katuwiran na tayo'y magkaisang loob, magkaisang isip at akala, at nang tayo'y magkalakas na harapin ang naghaharing kasamaan sa ating bayan," ani Bonifacio sa kaniyang akdang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog."

ADVERTISEMENT

Ngayong Nobyembre 30, 2018 ay ipinagdiriwang ang ika-155 kaarawan ni Bonifacio.


—Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.