Special elections sa Cavite 7th Dist., plebisito sa Baliuag, Bulacan kasado na

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2022 07:51 PM

MAYNILA — Plantsado na ang gagawing special elections sa 7th District ng lalawigan ng Cavite sa Pebrero 25, 2023, sabi ngayong Martes ni Comelec spokesman Atty. John Rex Laudiangco.

“Ang special elections ay magaganap sa February 25, 2023. Automated elections po ang gagamitin natin dito. So kami po ay nakahandang mag-imprenta ng balota, gagamit ng vote counting machines,” sabi ni Laudiangco.

Gaganapin ang paghahain ng Certificate of Candidacy o COC sa Disyembre 5 at 6, 2022.

Magsisimula ang election period para dito sa January 26, 2023 at tatagal hanggang March 12, 2023, sabi ni Laudiangco.

Sa panahong ito, ipatutupad ang lahat ng mga pagbabawal at iba pang regulasyon kaugnay ng halalan gaya ng gun ban.

Para sa iba pang mga detalye ng special elections na ito sa Cavite, maaring bisitahin ang website ng Comelec.

Gagawin ang special elections na ito para sa nabakanteng puwesto ni dating Congressman at ngayo’y Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

PLEBISITO SA BALIUAG, BULACAN

Isasagawa naman ang plebisito sa Baliuag, Bulacan sa Disyembre 17, 2022.

Ayon kay Laudiangco, aalamin ang pulso ng mga taga-Baliuag kung pabor silang gawin nang siyudad ang kanilang bayan.

Nagsimula ang plebiscite period nitong Nobyembre 24 at tatagal hanggang Disyembre 24.