(UPDATE) Inaprubahan na ang hanggang P100 pagtaas sa kontribusyon ng mga miyembro sa pondo ng Home Development Mutual Fund (HDMF o Pag-IBIG Fund).
Mula sa kasalukuyang P100 kada buwan, aakyat ang kontribusyon sa P150 sa Enero 2021 at magiging P200 sa 2023.
Dahil dito, hindi na kailangang mangutang ng Pag-IBIG para tugunan ang dumaraming umuutang na miyembro, ani Pag-IBIG chief executive officer Acmad Moti.
"'Pag di tayo nagtaas, sa lakas ng growth ng ating pautang lalo na sa pabahay, by next year, kakapusin na tayo ng P1.4 billion," aniya.
Posible ring lakihan ng Pag-IBIG ang puwedeng mautang sa pabahay sa mga susunod na taon.
Pero para sa labor group na Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), dapat mas mataas pa ang dagdag-kontribusyon para mas malaki rin ang mauutang ng mga miyembro.
Tingin din ng TUCP, ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Alan Tanjusay, mas malaki ang savings ng miyembro kapag mas mataas ang hulog kaya hindi sapat kung P50 lang ang paunang dagdag-kontribusyon.
"Naliliitan kami sa P50 na dagdag... dapat P100 ang minimum na pinaka-adjustment," ani Tanjusay.
Sa 2021, tataas sa P3,600 ang magiging taunang minimum na hulog ng miyembro mula sa kasalukuyang P2,400. Tataas naman ito sa P4,800 pagdating ng 2023.
-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, kontribusyon, Pag-IBIG, Home Development Mutual Fund, benepisyo, Trade Union Congress of the Philippines, TV Patrol, Alvin Elchico, TV Patrol Top