(UPDATED) Napigilan ng mga off-duty na pulis ang isang kaso ng "road rage" na maaaring humantong sa karahasan nitong Sabado ng hapon sa national highway sa Sibagat, Agusan del Sur.
Makikita sa video na ibinahagi ni Police Lt. Ramonit Rivera II ng Regional Mobile Force Battalion XIII ang isang 10-wheeler truck na pilit pinahihinto ang isang pampasaherong bus.
Paghinto ng dalawang sasakyan ay bumaba ang driver sa truck. Dala ang mahabang itak, nilapitan ng truck driver ang bus at pinabababa ang driver nito.
Hinamon pa ng suntukan ng truck driver ang driver ng bus, pero bumaba at umawat ang tatlong pulis na nakasaksi sa pangyayari.
Ayon kay Rivera, galing siya sa Butuan City at papuntang Bayugan City dahil off-duty siya noong araw na iyon.
Hindi niya inasahan na nakasunod din pala sa ibang sasakyan si Police Captain Juvilyn Naquila, habang si Patrolman Reyziel Recio ay nakasakay sa bus.
Napigilan ng mga pulis ang driver ng truck na galit na galit sa bus driver.
"Nakita ko, alanganin na nag-overtake yung bus, kinain niya ang linya ng truck at muntik ng masagi. Kaya itong truck, gustong habulin yung bus. At sa sobrang init ng ulo, nagkahabulan yung dalawa, kaya vinideo ng kasama ko," sabi ni Rivera sa ABS-CBN News.
Aniya, nagkaayos ang dalawang driver at wala nang nais magsampa ng reklamo.
"Bilang pulis ay agad po tayong rumesponde, nagpakilala na pulis. Buti naman at nakinig sa atin yung driver ng truck," ani Rivera.
Payo ng pulis sa mga motorista na kalma lang sa pagmaneho para maiwasan ang gulo. Abiso rin nito sa mga motorista na laging mag-ingat at sundin ang batas trapiko.
- ulat ni Hernel Tocmo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.