ALAMIN: Ano ang puwedeng paputok sa darating na bagong taon

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2017 09:10 PM

Pirmado na ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald Dela Rosa ang implementing rules and regulation (IRR) sa pag-regulate sa paggamit ng mga paputok. 

Sa ilalim ng IRR, bawal na ang pagpapaputok sa mga pampublikong lugar alinsunod sa bisa ng Executive Order 28 o regulasyon at control sa paggamit ng mga paputok at pyrotechnic devices.
    
Puwede lang magpaputok sa mga common area na itatalaga ng lokal na pamahalaan.
    
Nakasaad din dito na ang gagawing community fireworks display ay dapat may naka-standby na emergency at medical staff at may firefighting equipment.

Malayo rin dapat ito sa mga storage o tindahan ng mga flammable substance, residential area, eskuwelahan at electrical at communication facilities.

Ang fireworks display operators ay dapat ding sinanay at lisensiyado ng PNP.

Pero nilinaw ng mga manufacturer na iba ang firecrackers sa pyrotechnics.

Ang fireworks o mga paputok ay tulad ng sawa, five star, bawang o iyong mga sumasabog.

'Pangamba'

Simula nang mapirmahan ang EO 28, marami sa mga negosyante ang nangamba.

Hindi kasi umano bababa sa 150,000 katao ang umaasa sa industriya ng paggawa ng paputok at pyrotechnics at ramdam na nila ang epekto ng EO.

Matumal umano ang benta ngayon kung ikukumpara noong mga nakaraang taon.

Ipatutupad sa loob ng 15 araw ang IRR ng EO 28, na may kaakibat na mabigat na parusa para sa mga lalabag.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.