RIYADH - Balik ang deployment ng mga Pilipino domestic worker sa Saudi Arabia simula noong November 7, 2022. Matatandaan na November 2021 nang pansamantalang sinuspinde ang pagdedeploy ng mga bagong Household Service Workers (HSWs) sa Saudi dahil sa kaso ng ilang HSWs na hindi binayaran ng isang employer.
Pero bago ito, itinigil din ang deployment ng construction workers sa tatlong malalaking Saudi construction companies na may mga utang ding sahod sa 11,000 OFWs.
Ngayong wala nang deployment ban, ilang alintuntunin ang dapat sundin ng mga recruitment agencies bago sila makapagpasa ng visa application.
“This is the hiring and employment of a welfare desk officer and the second memorandum circular which is the whitelisting and blacklisting. Nilagay po natin sa ating orientation ang kahalagahan ng dalawang MC na ‘yun na nilabas nila recently. Well the welfare desk officer is also a requirement now sa lahat ng Saudi recruitment agencies,” pahayag ni Antonio Mutuc, Jr., Assistant Labor Attache, Philippine Overseas Labor Office (POLO) Riyadh.
Kailangan munang ipasa ng recruitment agencies ang whitelisting. Ang whitelist ang magsisilbing clearance ng recruitment agency bilang patunay na wala silang pending na mga kaso sa POLO, Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Adjudication office bago tanggapin ang kanilang job orders.
Nagkaroon ng two-day orientation ang POLO Riyadh na dinaluhan ng may 600 na kinatawan ng mga manpower recruitment agencies. Ayon sa POLO, maaari nilang tanggapin ang mahigit na 40 visa applications bawat isang agency basta’t mapabilang ito sa whitelist.
Kabilang din sa guidelines ang pag-endorso ng welfare officer o recruiter sa domestic worker nang personal sa kanyang magiging sponsor. Layunin nito ang paalalahanan ang sponsor sa mga alituntuning dapat sundin at mga karapatan ng domestic worker.
“For every two weeks, I will be receiving 25 thousand individual contracts, therefore in a month I already have 50 thousand. So 50 thousand compared sa 2019 before the pandemic na nasa 140,000 in three months I can reach that already,” sabi ni Yasser Umag, Administrative Staff, POLO Riyadh.
Ikinatuwa ng mga manpower recruitment agencies ang balik-deployment ng mga Pinoy domestic workers sa Saudi. Madalas kasing Pinoy ang visa request ng kanilang mga kliyente.
“Right now we have almost more than 2,000 Visas ready,” sabi ni Hussain Al Salem, Government Relations Officer, Al Shablan Recruitment Agency. Idinulog din ng ilang recruitment agencies sa POLO ang problema nila sa matagal nang runaway na ayaw makipagtulungan sa kanilang ahensya para ayusin sana ang pagpapauwi.
Magiging problema kasi ito ng recruitment agencies sa pagkuha ng kanilang ng clearance sa POLO. Ipinaalam din ni Mutuc na maari rin namang tumulong sa mga Saudi recruitment office ang kanilang agency partners sa Pilipinas sa pagkuha ng clearance. Dahil sa inaasahang pagbuhos ng bagong visa applications for domestic workers magiging malaking hamon ito sa POLO Saudi Arabia pagdating sa manpower at pasilidad.
Tumatanggap ang POLO ng humigit kumulang na 500 visa verification at OWWA membership processing kada araw bukod pa ito sa mga idinudulog na labor cases ng mga domestic workers at skilled workers.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Saudi Arabia, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.
KAUGNAY NA VIDEO: