19 patay, 6 nawawala sa hagupit ng bagyong Ulysses sa Cagayan, Ifugao, Nueva Vizcaya

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2020 11:39 PM | Updated as of Nov 13 2020 11:55 PM

Nasa 19 ang namatay sa mga landslide sa Cagayan, Ifugao, at Nueva Vizcaya bunsod ng bagyong Ulysses.

Sa lakas ng ulang dala ng Bagyong Ulysses, gumuho ang bahagi ng Sitio Tueg sa Brgy. Bitag Grande sa Baggao, Cagayan madaling-araw ng Biyernes. 

Sampung bahay ang nasira at patay ang 4 na miyembro ng isang pamilya sa lugar, ayon sa mga awtoridad.

 

Sa Ifugao naman, 5 tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang namatay sa landslide sa Brgy. Viewpoint sa Banaue.

Ayon sa mga awtoridad, nagsasagawa sila ng clearing operation nang gumuho ang lupa. Nasa 6 trabahador pa ang pinaghahanap habang nagtamo naman ng sugat ang isang nakaligtas.

Sa bayan ng Quezon, Nueva Vizcaya, gumuho ang lupa sa tatlong sitio ng Barangay Runruno. Sampu ang patay, kabilang ang isang dalawang-buwang sanggol.

Nasira rin ang bahagi ng retaining wall sa national highway ng Brgy. Abian sa Bambang. Ilan pang istruktura ang nasira sa pagragasa ng ilog doon.

Sa Pagudpud, Ilocos Norte, gumuho rin ang lupa sa kalsada sa Sitio Bangkero, Brgy. Pancian. Pahirapan ang clearing operations.

Umapaw naman ang ilog sa Santiago City, Isabela Huwebes ng umaga. Umabot ang tubig sa bubong ng ilang bahay sa Brgy. Mabini.

Nalubog din sa tubig ang ilang bahagi ng mga barangay ng Calao East, Calao West, Batal, Sinsayon, Rosario, Malvar at Malini.

Humupa na ang baha, pero nag-iwan ito ng makapal na putik kaya pahirapan ang paglilinis sa mga duming kumapit sa mga bahay.

Sa tindi ng pagragasa ng tubig, nasira ang pader sa bahay ni Mark Malabad.

"Malakas yung impact ng agos," aniya.

Sa Cauayan City, may mga inililikas pa rin dahil sa tumitinding baha. Sa bubong na ng kanilang bahay inabutan ng mga rescuer ang ilang residente.

Sa tala ng city government, halos kalahati ng siyudad ang lubog sa baha.

"Ang ating mga number of barangays na totally submerged, 6 po yan. 'Yun naman pong iba ay partially submerged. Ang barangay Gappal ay isolated," ani Cauayan Mayor Bernard Dy.

Sa San Mariano, Isabela, nakunan ng video ang lalaking tinangay nang rumaragasang baha sa Brgy. Dipusu.

Ayon sa pulis, sinubukan pa niyang kumapit sa naanod na bubong. Nasagip naman ang lalaki.

Dalawa na ang naitala patay dahil sa pagkalunod sa Jones at Benito soliven.

Binaha na rin ang bahagi ng Tuguegaro City at iba pang lugar sa Cagayan dahil sa pagbaba ng tubig mula sa Isabela.

Makikita sa kuha ng drone mula sa FB page Louie Antonio Films na nalubog sa baha ang lungsod ng Tuguegarao, Cagayan dulot ng Ulysses.

 

Lumikas at natulog na rin sa bubong ng kanilang mga bahay ang ilang residente sa isang barangay ng bayan ng Solana matapos tumaas ang tubig baha sa kanilang lugar.

Sa mga litratong kuha ni Francis Jorque ng Cagayan Provincial Information Office (CPIO), makikitang halos abot na sa bubong ng mga bahay sa Brgy. Iraga ang baha na nagsimulang tumaas Biyernes ng umaga, isang araw matapos ang pananalasa ng Ulysses.

 

Ipinagbigay alam sa mga rescuer ang kalagayan ng mga residente para maidala sila sa evacuation center.

Kahit nakalabas ng ang bagyo sa Philippine area of responsibility, may pabugso-bugso pa ring pag-ulan ang mararanasan sa Cagayan dahil sa amihan, ayon sa PAGASA weather bureau.--Ulat ni Harris Julio

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.