Mga puna sa 'Stairway to Heaven' ng Kamuning, pag-aaralan ng MMDA | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

Mga puna sa 'Stairway to Heaven' ng Kamuning, pag-aaralan ng MMDA

Mga puna sa 'Stairway to Heaven' ng Kamuning, pag-aaralan ng MMDA

ABS-CBN News

Clipboard

Nasa 32 hakbang ang kailangang akyatin para makarating sa "unang palapag" pa lang ng footbridge at may isa pang hagdanan na susuungin para tuluyang makatawid dito. ABS-CBN News

Siyam na araw bago tuluyang matapos ang footbridge sa Kamuning, Quezon City na nag-viral sa social media dahil sa nakalululang taas nito, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes na isasaalang-alang nila ang mga pagpuna at batikos na nakuha nila.

Dahil sa taas nito ay binansagan na itong 'Stairway to Heaven' ng ilang netizens sa social media.

Pero makikinig naman daw ang MMDA.

"Lahat po ng comments ng mga kababayan natin, maging ho iyung tulong ng media, nasa engineering department na po. Nire-review po natin kung ano pa iyung revision na puwedeng gawin natin dito sa footbridge," ani MMDA spokesperson Celine Pialogo.

ADVERTISEMENT

Nakatakdang matapos ang konstruksiyon ng naturang footbridge sa Nobyembre 15 pero bago pa man buksan ay nag-viral na ang mga larawan nito dahil sa batikos.

Nasa 32 hakbang ang kailangan akyatin para makarating sa "unang palapag" pa lang ng footbridge at may isa pang hagdanan na susuungin para tuluyang makatawid patungo sa kabilang bahagi ng kalye sa pamamagitan ng naturang footbridge.

Depensa naman ng MMDA, nais nilang solusyonan ang walang habas na pagtawid ng mga pedestrian sa EDSA na maaaring magresulta sa aksidente.

Sa isang buwan kasi, hindi raw bababa sa 10 ang aksidenteng naitatala dahil sa buwis-buhay na pagtawid sa naturang highway.

Nasa 10 milyon ang halaga ng proyekto pero giit ng MMDA, hindi masasayang ang pondo dahil mapapakinabangan naman daw ito. —Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.