Holdaper kinuyog sa España, bugbog-sarado

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 09:03 AM

MAYNILA - Bugbog-sarado ang isang lalaki matapos mahuling nagnanakaw sa dalawang senior high students sa may España Boulevard sa Sampaloc, Linggo ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Marlon Satura, 22, na itinakbo sa Ospital ng Maynila matapos magtamo ng mga sugat sa mukha at katawan dahil sa pambubugbog ng taumbayan.

Kuwento ng magkasintahang James Peter at Justine Danielle, pauwi na sila galing sa computer shop sa Morayta nang tutukan sila ng patalim ng suspek bago hablutin ang kanilang cellphone at bag.

Isang 12-pulgadang patalim ang nakuha ng mga awtoridad sa suspek. Lyza Aquino, ABS-CBN News

Naitulak pa ni Peter si Satura pero nagawa pa ng suspek na iwasiwas sa kanya ang patalim na dumaplis sa ilalim ng tiyan at kaliwang hita ng estudyante.

Agad namang nakahingi ng tulong ang magkasintahan mula sa mga dumadaan sa lugar. Sinubok pa ng suspek na tumakas pero nakorner siya ng rumespondeng grupo ng mga lalaki.

Binubogbog muna ng mga lalaki ang suspek sa gilid ng kalsada bago pinosasan at dinala sa barangay hall.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.