'Ibilad' basang module: Hiling ng DepEd kusang tugon ng mga paaralan sa hamon ng distance learning

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2020 03:29 PM

Mga envelope na naglalaman ng learning materials sa Rafael Palma Elementary School sa Maynila noong Oktubre 1, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA — Kung may hinaharap na problema sa distance learning, katulad ng mga module na nabasa sa pag-ulan o pagbaha, magkusa ang mga paaralan na gawan ito ng paraan. 

Hinikayat ngayong Martes ni Education Secretary Leonor Briones ang mga paaralan na magkaroon ng pagkukusa sa paghahanap ng solusyon sa mga hamong nararanasan sa mga bagong paraan ng pagtuturo sa gitna ng patuloy na COVID-19 pandemic.

Ayon kay Briones, dapat may inisyatiba ang mga paaralang humanap ng solusyon sa mga hamong nararanasan sa distance learning sa halip na dating gawi na naghihintay ng utos mula sa central office ng Department of Education.

"Ine-encourage natin ang intiaitive ng mga schools para sila ang maghanap, sila mag-develop sila ng solusyon sa mga challenges," ani Briones sa Laging Handa press briefing 

Halimbawa, hindi na umano kailangang maghintay ng mga field unit o paaralan ng utos mula sa DepEd Central Office para solusyunan ang mga module na maaaring nabasa sa baha.

"Siguro hindi naman susulat ang superintendent na, 'Basa ang module namin.' Maghanap sila ng paraan. Siguro ibilidad nila, 'yong iba pinaplantsa," ani Briones.

"Hindi na sila uutusan ng circular galing sa central office para sabihin kung ano ang gagawin," dagdag niya.

Ayon naman kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, may mahuhugot namang "buffer" sa pag-reproduce ng module o maaaring ipagamit sa mga apektadong mag-aaral ang mga module na nagamit na ng iba.

"Bibigyan sila ng pagkakataon na matuto rin gamit iyong mga self-learning resources na ginamit ng mga kamag-aral nila, na tuloy-tuloy 'yong pag-aaral," ani San Antonio.

Kamakailan ay nagpahayag ng pagkabahala ang non-government organization na Educo Philippines sa epekto ng bagyong Rolly sa mga mag-aaral, lalo na sa Bicol region na matinding nasalanta ng bagyo.

"Kapag binaha po din 'yong lugar, definitely po wala na din po 'yung kanilang mga school supplies, 'yung mga modules nila," ani Educo Spokesperson Shiena Base.

Naniniwala rin si Briones na wala namang epekto ang pinsalang iniwan ng Rolly sa mga paaralan sa produksiyon ng self-learning modules dahil tapos na ito para sa first quarter.

Ayon kay Briones, nilalakad na rin ng DepEd sa National Disaster Risk Reduction and Management Council ang pondo para makapag-abot ng tulong sa mga paaralang sinalanta ng bagyong Rolly.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.