VIRAL: Guro, sugatan matapos protektahan ang mga mag-aaral sa lindol sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 09:48 PM | Updated as of Oct 31 2019 10:04 PM

 

MANILA—Kahit siya ay masugatan ng lubha, isang guro ang naglakas-loob na protektahan ang kaniyang mga estudyante sa kasagsagan ng lindol sa bayan ng Makilala sa Cotabato nitong Martes.

Ayon sa anak ng guro na si Erlinda Ajero, niyakap nito ang mga batang mag-aaral habang gumuguho ang pader ng kanilang silid-aralan sa Rodero Day Care Center sa Barangay Rodero, kung saan siya 25 years na nagtuturo.

Hindi na ininda ng 61-anyos na si Erlinda ang mga bumagbagsak na bagay sa kaniyang likod habang hinahatid niya palabas ng gumuguhong silid-aralan ang kaniyang mga aabot na 14 na estudyante.

"Niyakap po niya yung mga students habang paalis, kahit may mga tama na siya sa likod. Nagka-adrenaline rush siya, kumbaga," saad ni Mark sa ABS-CBN News.

Ayon kay Mark na guro rin sa lungsod ng Kidapawan, saka malubhang nasugatan ang kanyang ina matapos niyang tangkaing mailigtas ang isang naiwang estudyante sa kasagsagan ng lindol.

"Pagbalik niya, saka siya tinamaan ng ilang hollow blocks sa ulo. Hindi na niya naabutan 'yung estudyante," ani Mark.

Bumagsak umano si Erlinda at nagising na lang sa evacuation center kung saan siya binigyan ng lunas. Apat na sugat ang kaniyang natamo mula sa pagbagsak ng hollow blocks.

Ayon kay Mark, nakaligtas din ang batang naiwan at dinala sa ospital dahil sa sugat na natamo nito.

Nalaman na lang ng anak ang balita sa sinapit ng ina matapos mag-evacuate din ang paaralan ng kaniyang tinuturuan sa karatig na Kidapawan.

"I received through Messenger na ganito nangyari kay Mama," ani Mark. "Kaya nagmadali ako umuwi."

Aniya, dati nang nasugatan sa ulo si Erlinda na nagdulot ng pansamantalang amnesia o pagkalimot.

"Nag-alala po ako dahil baka ma-trigger po 'yung dati niyang sugat," ani Mark.

Hindi naman malubha umano ang natamo ni Erlinda na sugat sa ulo dulot ng hollow blocks.

"Ayon po sa doctor, hindi po naman serious ang kaniyang sugat," ani Mark.

Nahihirapan na gumalaw si Erlinda dulot sa kaniyang mga sugat din sa katawan na natamo niya habang nililigtas ang kaniyang mga estudyante.

Sa evacuation center sa tabi ng Rodero Elementary School na nagpapagaling si Erlinda matapos magkaroon ng biyak ang medical center sa lugar. Nag-desisyon ang mga lokal na opisyal na sa paaralang ilikas ang mga apektadong residente ng barangay.

Ayon kay Mark, walang wheelchair o stretcher na magagamit ang ina sakaling kailanganin siya ilipat.

Dagdag niya, nangangailangan ang ina ng gamot para sa kaniyang mga sugat, yamang ang mga medisina sa evacuation center ay para sa karaniwang sugat lamang.

Kung gusto niyong makatulong kay Erlinda, maaaring kontakin si Mark sa 09092292967.

Aabot sa lima ang nasawi at madami ang nasugatan sa lindol na magnitude 6.6 nitong Martes na tumama sa bayan ng Tulunan sa Cotabato.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.