Bagong lindol sa Mindanao kumitil ng mga buhay

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2019 02:27 PM | Updated as of Oct 29 2019 07:59 PM

Gumuho ang isa sa mga gusali ng Daig Elementary School sa Tulunan, Cotabato kasunod ng pagtama ng isang magnitude 6.6 na lindol sa Mindanao nitong Martes ng umaga. Bayan Patroller Chyna Via

MAYNILA (UPDATE) — Hindi bababa sa 6 tao ang kumpirmadong patay matapos yanigin ng isang malakas na lindol ang ilang lugar sa Mindanao nitong Martes ng umaga.

Ayon sa ulat ng mga awtoridad, namatay ang isang estudyante mula sa Magsaysay, Davao del Sur dahil nabagsakan ng mga debris habang lumilikas.

Watch more in iWant or TFC.tv

Namatay din anila ang isang 66 anyos na lalaki nang mabagsakan ng bahagi ng pader sa isang simbahan sa Koronadal, South Cotabato.

Watch more in iWant or TFC.tv

Namatay naman ang isang ama at kaniyang anak sa Arakan, Cotabato, ayon sa gobernador ng lalawigan na si Emily Lou Mendoza.

Isang buntis naman sa Tulunan, South Cotabato ang nasawi matapos madaganan ng kahoy habang lumilindol, sabi ng alkalde na si Reuel Limbungan.

Isang 36 anyos din ang nasawi sa Digos City, ayon sa alkalde na si Joseph Cagas.

Alas-9:04 ng umaga nang maitala ang magnitude 6.6 na lindol sa may bayan ng Tulunan, South Cotabato.

Umabot hanggang Intensity VII na pagyanig ang naramdaman sa ilang lugar gaya ng Tulunan at Makilala sa Cotabato, Kidapawan City, at Malungon sa Sarangani. 

Tumama ang lindol sa halos kaparehong lugar na tinamaan ng magnitude 6.3 na lindol noong Oktubre 16, na ikinamatay ng nasa 7 tao.

Itinuturing na "main quake" ang lindol ngayong Martes kaysa lindol na tumama noong Oktubre 16, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Nilinaw naman ng Phivolcs na walang banta ng tsunami dahil nasa lupa ang sentro ng lindol.

Nag-abiso rin ang Phivolcs ukol sa posibleng pinsala sa pagyanig at kahandaan sa aftershocks.

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumikas palabas ng mga gusali ang mga manggagawa, gaya ng mga empleyado sa mga business process outsourcing company, at estudyante dahil sa pagyanig.

Sinuspende na rin ang trabaho at klase sa ilang lugar para ma-assess ng mga awtoridad ang epekto ng lindol sa mga istruktura.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Davao City, 35 istruktura ang nakitaan ng bitak sa initial assessment ng City Disaster Risk Reduction Management Office kasunod ng lindol. Dalawa sa mga istruktura ay hindi muna magagamit dahil delikado.

Kasunod ng lindol, nanawagan din ang Malacañang sa mga residente ng Mindanao na manatiling kalmado.

Inatasan din ng Philippine National Police ang regional offices nito sa Mindanao na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan kaugnay ng disaster response.

-- Ulat nina Francis Canlas, Andoreena Causon, Arianne Apatan, Chrislen Bulosan, at Joey Tagbuba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.