Hinihinalang holdaper patay sa engkwentro sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2020 07:12 AM

MAYNILA - Nasawi ang isang lalaki matapos umano makipagbarilan sa mga pulis sa Brgy. Langkiwa sa Biñan, Laguna nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa paunang ulat ng Biñan Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa isang kaso ng robbery-holdup matapos magreklamo ang isang security officer na ninakawan siya ng motorsiklo sa Brgy. Timbao.

Nagsagawa agad ng follow-up operation ang mga awtoridad at sa isang checkpoint malapit sa Langkawi service road, nakita ng mga pulis ang itim na motorsiklo na minamaneho ng isang lalaki na kapareho ang deskripsiyon sa binanggit ng biktima. 

Pinahinto nila ang motor, pero imbes na huminto, humarurot pa ito palayo. 

Nadulas ang motorsiklo at tumakbo palayo ang lalaki habang nakikipagbarilan umano sa mga pulis. Natamaan ng bala ang lalaki hanggang sa mamatay. 

Napag-alaman rin ng pulis na may isa pang motorsiklo na kasama ang lalaki pero nakatakas na ito. 

Positibong itinuro ng biktima na kanya nga ang motorsiklo na minaneho ng napatay na suspek. 

Pinaghahanap na ng pulis ang isa pang kasabwat sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.