Lalaking pipi, inakusahang nangmolestiya sa 2 nene

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 05:15 PM

Arestado ang 27 anyos na piping si Jonyl Wagan matapos ireklamo ng kaniyang mga kapitbahay ng pangmomolestiya umano sa mga batang babae na lima at apat na taong gulang.

Ayon sa mga ina, naglalaro ang mga bata sa ikatlong palapag ng bahay sa Barangay San Antonio, Parañaque, Huwebes ng tanghali, nang mangyari ang insidente.

Doon din natutulog at tumatambay ang suspek. 

Isinumbong sa mga ina ng kapatid ng isa sa mga biktima na pinapatong umano ng nakahubad na suspek ang mga bata sa maselang bahagi ng katawan niya.

Sa galit ng isa sa mga ina, pinaghahampas niya ng kahoy ang lalaki bago siya pumunta sa barangay para magsumbong.

Pero nakatakas pa si Wagan at pinaghahanap ng barangay bago nakita kinagabihan.

Ayon sa kapitan ng nasabing barangay na si JR Sanchez, may ilang nagsabi sa kanilang residente na hindi ito ang unang beses na may minolestiya ang suspek.

Sabi ng amain ng suspek, gumagamit umano ito ng droga dahil sa impluwensiya ng mga 'tulak' sa lugar. 

Nadawit na rin umano ito sa pagnanakaw. Pero ikinabigla ng amain na nangmolestiya ito.

Kakasuhan ng rape ang suspek bukod pa sa child abuse. 

--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.