Matapos ang 6 buwan: Boracay muling binuksan sa mga turista; gobyerno may paalala

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 03:01 PM | Updated as of Oct 26 2018 08:37 PM

Dumating sa Cagban port ang isang pangkat ng mga turista para sa muling pagbubukas ng Boracay matapos ang anim na buwang pagsasara para sa rehabilitasyon. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News

(UPDATED) Matapos ang anim na buwang pagsasara para sa rehabilitasyon, muling binuksan sa mga turista ngayong Biyernes ang isla ng Boracay, na ngayon ay nasasaklaw ng mas mahigpit na mga patakaran.

Ilan sa mga bagong panuntunan ang paglimita sa bilang ng mga turista at negosyong nag-o-operate. Ipinagbawal din sa beach ang pag-party, pag-inom ng alak, pagdaraos ng bonfire, pagbebenta ng mga pasalubong, at pagtayo ng mga kastilyong buhangin.

Nasa 170 hotel, 43 restoran, at higit 90 iba pang mga negosyo lang ang pinahintulutang mag-operate sa muling pagbubukas ng Boracay dahil sila pa lang ang mga nakasunod sa mga environmental policy ng gobyerno, sabi ni Environment Secretary Roy Cimatu. 

Pinaigting na rin ang pagpapatupad ng 30-meter buffer zone o iyong pagbawal ng pagtayo ng ano mang istruktura 30 metro mula sa dagat.

Isinara noong Abril ang Boracay matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, na tinawag ang isla na "cesspool" o imbakan ng dumi dahil sa problema nito sa polusyon.

Watch more in iWantTFC

Nagmistulang red carpet ang mga red floater na nilakaran ng mga turistang dumating ngayong Biyernes sa isla, na sinalubong din ng mga kandidata ng Miss Earth 2018 pageant.

Umabot sa 2,901 ang bilang ng mga turistang dumating sa Boracay sa araw ng muling pagbubukas, ayon sa tala ng Cagban port noong alas-5 ng hapon.

Isa sa mga turistang bumisita si Marilyn Sonob, na nanibago umano nang madatnang wala nang mga makukulay na bangka at sunbathing station sa beach — mga eksenang nakita niya sa kaniyang pagbisita sa Boracay noong nakaraang taon.

"Nakakapanibago talaga kasi walang naglalako, tahimik, ang konti ng tao, hindi ganito dati. Ang ganda," sabi ni Sonob, na bumibisita sa bansa mula sa Amerika.

Ilang volunteer mula sa mainland Aklan ang nagpupulot ng basura habang nasa White Beach kasabay ng muling pagbubukas ng Boracay. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News
Watch more in iWantTFC

MGA KALSADA, INAAYOS PA

Sa kabila ng muling pagbubukas, hindi pa lubusang natatapos ang rehabilitasyon dahil may ilang kalsada pa sa isla ang binabakbak at inaayos.

Ilang tricycle driver ang dumaing sa pagsikip ng daloy ng trapiko bunsod ng patuloy na pagsasaayos.

Ayon kay Public Works Secretary Mark Villar, matatapos gawin ang mga kalsada mula Cagban Port hanggang Station 2 sa Disyembre.

Maaari naman daw abutin ng ilang taon bago makumpleto ang pagsasaayos ng buong 20 kilometrong circumferential road ng isla.

Kumpiyansa naman si Cimatu na hindi madidismaya ang mga turista sa Boracay kahit na ginagawa pa ang ilang kalsada.
 

Isang "mural" ang inilantad sa publiko kasabay ng pormal na pagbubukas ng Boracay. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News

 ISANG BUWANG PAGSARA SA BORACAY KADA TAON, IMINUNGKAHI

Isinapubliko rin ang dambuhalang marker ng Boracay na babati sa mga bisita pagdating nila sa isla.

Nagsilbing panauhin sa programa ang mga miyembro ng gabinete na nagpatupad sa pagsasara ng isla gaya nina Cimatu at Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Ayon kay Cimatu, dapat dalawa sa bawat 10 empleyado o trabahor na kukuhanin ng mga negosyante ay taga-Boracay.

Ayon naman kay Romulo-Puyat, pinag-aaral nila ngayon ang panukala na ipasara ang Boracay ng isang buwan kada taon para bigyan ng pagkakataon ang isla na "makahinga."

Nagpaalala rin si Romulo-Puyat sa mga turista na maging responsable para mapanatili ang kalinisan ng isla.

"Please be responsible tourists. We've cleaned up Boracay. There's no more trash. It's beautiful [Pakiusap namin ay maging responsable kayong mga turista. Nilinis na namin ang Boracay. Wala nang basura. Maganda na siya]," sabi ni Romulo-Puyat.

"Let's set an example to the whole world that we can keep Boracay clean [Magsilbi tayong halimbawa sa buong mundo na kaya nating panatilihing malinis ang Boracay]," dagdag ng kalihim.

Inihahanda na rin ang isang executive order para matiyak na walang casino ang magbubukas sa isla at walang bagong hotel ang itatayo, sabi ni Puyat.

Ayon naman kay Philippine Chamber of Commerce and Industry president Elena Brugger, isang hakbang patungo sa "sustainable tourism," o iyong turismong may positibong epekto sa kapaligiran at ekonomiya ng isang lugar, ang pagpapaayos sa Boracay.

"We are hopeful and positive that this rehabilitation will push forward toward sustainable tourism in the country," ani Brugger.

"It’s a progress moving towards the goal of having good or better Boracay," dagdag niya.

--Ulat nina Jeff Canoy at Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.