Tinawag na S-LIGHT ang device na imbensyon ng mga estudyante ng Philippine Science High School sa Iloilo City, na kayang gawing kuryente ang ingay. Kuha ni Cherry Palma, ABS-CBN News
Kadalasang problema ng marami ang sobrang ingay sa paligid. Pero sa tulong ng imbensyon ng mga estudyante mula Philippine Science High School - Western Visayas Campus sa Iloilo City, nagkakaroon ng silbi ang ingay.
Tinawag na "S-LIGHT" ang device na likha ng mga Grade 11 student, na binansagang Voltage Five, na may kakayahang mag-convert o gawing kuryente ang ingay.
Sa pagkalap ng device ng ingay, nagagawa nitong paandarin ang LED lights, gadgets, at charger ng power bank.
"We actually just reversed the process of the speaker. The speaker usually uses electricity to produce sound. However, in this device, we utilize the sound of the environment to convert it into electricity," paliwanag ni Joecile Faith Monana, isa sa mga lumikha sa device.
Kuha ni Cherry Palma, ABS-CBN News
Maaari rin umanong mabawasan ang ingay sa paligid.
Nakuha ng imbensyon ng grupo ang silver award sa Young Inventors Challenge 2019 na idinaos noong Setyembre sa Malaysia.
Marami nang nagkakainteres sa likha ng mga estudyante, ayon sa kanilang coach na si Xavier Braña.
"We have to apply for a patent para protected din 'yong idea ng mga bata, para hindi siya ma-copy ng iba," aniya.
Kabilang ang grupo sa mga lalaban sa global competition ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) Space Apps Challenge.
-- Ulat ni Cherry Palma, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, science, technology, kuryente, ingay, noise, Iloilo City, rehiyon, Philippine Science High School, S-Light, TV Patrol, Cherry Palma