PatrolPH

Lalaking dawit sa droga, holdapan sa Antipolo patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 04:11 PM | Updated as of Sep 16 2019 01:28 PM

Watch more on iWantTFC

Napatay ang isang lalaking sangkot sa iba-ibang krimen matapos mauwi sa engkuwentro ang ikinasang buy-bust operation ng pulisya laban sa kaniya sa Antipolo City noong gabi ng Lunes.

Kinilala ng Antipolo police ang nasawi bilang si Raymond Galicha, alyas "Nonoy Balat," na miyembro umano ng grupong nagsasagawa ng mga panghoholdap, pagtangay ng mga sasakyan at pagtutulak ng ilegal na droga.

Matapos ang ilang buwang paghahanap, natunton ng mga pulis si Galicha at ang kaniyang kasamahang si Wilfredo Castro alyas "Busog" sa Barangay San Isidro kaya't nagkasa sila ng operasyon.

Pero nang nakatunog si Galicha na pulis ang katransaksiyon, bumunot siya ng baril kaya nauwi sa engkuwentro na kaniyang ikinasawi, ani Superintendent Villaflor Bannawagan, hepe ng Antipolo police.

Hindi naman nahanap si Castro matapos iwan umano si Galicha sa gitna ng operasyon.

Nakuha sa bahay ni Galicha, kung saan nangyari ang engkuwentro, ang kalibre .38 na baril, droga, at mga nakaw na motorsiklong gamit umano ng grupong kinabibilangan niya.

Nakilala ng Antipolo police ang grupo dahil sa mga kuha ng CCTV sa iba-ibang establisimyento na hinoldap nila.

Sinasabing kasamahan din nila ang isang Jeff Castro na umano ay nangholdap at namaril ng guwardiya sa isang subdivision noong Setyembre.

Umaasa naman ang Antipolo police na mababawasan ang mga insidente ng holdapan sa kanilang bayan.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.