MECQ sa Batanes, pinalawig hanggang katapusan ng Oktubre

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2021 10:53 PM

Pinalawig hanggang katapusan ng Oktubre ang modified enhanced community quarantine sa lalawigan ng Batanes. 

Ayon sa provincial government, hakbang ito para maiwasan ang paglaganap pa ng sakit na COVID-19.

"Mabibigyan din ng panahon ang ating health cluster upang matutukan ang patuloy na case finding and surveillance at pagpapagaling ng mga COVID-19 patients," ayon sa pabatid ng provincial government sa kanilang Facebook page. 

 

Nauna nang sumailalim sa enhanced community quarantine ang Batanes sa kasagsagan ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 na halos pumalo sa 500 noong Setyembre.

Sumunod na ipinatupad ang MECQ na natapos noong Oktubre 14. 

Ang magandang balita naman, bumaba ang naitatalang mga bagong kaso habang marami na rin ang recovery o gumaling sa sakit. 

Sa tala ng Oktubre 18, nasa 238 ang aktibong kaso o kasalukuyang may COVID-19 kung saan 4 dito ay bagong kaso. 

Pinakamarami pa rin aktibong kaso sa bayan ng Basco na umaabot ng 208. 

Nakapagtala rin ng 37 na gumaling sa sakit nitong Lunes.

Sa kabuuan, mayroong 648 na recovery mula sa 890 total COVID-19 cases habang may 4 na namatay. 

Mamamahagi naman ng mga gamot gaya ng paracetamol at antihistamine gayundin ng vitamins ang provincial government sa mga residente.


- ulat ni Harris Julio