Imelda Marcos, tatakbong gobernador ng Ilocos Norte; apo, bise-gobernador

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2018 10:23 PM | Updated as of Oct 16 2018 03:48 AM

Naghain na ng kandidatura sa pagkabise-gobernador ang anak ni Governor Imee Marcos na si Board Member Matthew Marcos Manotoc nitong Lunes ng hapon.

Kinumpirma rin niya na tatakbong gobernador ang lola niyang si Ilocos Norte Second District Rep. Imelda Marcos pero sa Miyerkoles pa umano ito maghahain ng kandidatura.

“Bilang pinaka-experienced, ang lola ko as governor," ani Manotoc.

Sinabi rin ni Manotoc ang plano ng kaniyang ina ang paghahain nito ng kaniyang kandidatura sa pagka-senador ngayong Martes.

Kasabay ni Manotoc na naghain ng kandidatura ay ang kaniyang tiyuhin na si Vice-Governor Angelo Marcos Barba na tatakbo sa pagka-kongresista sa ikalawang distrito ng Ilocos Norte . Huling termino na ni Barba bilang bise-gobernador ng lalawigan. Siya ay pinsan ni Imee Marcos.

Isa pang pinsan ni Imee Marcos na si Provincial Board Member Mariano Marcos II ay muli namang tatakbo bilang board member sa ikalawang distrito ng Ilocos Norte.

Sa Laoag City naman, babalik sa politika ang isa ring pinsan ni Marcos na si dating Ilocos Norte Governor Michael Keon. Naghain siya ng kaniyang kandidatura sa pagka-konsehal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.