11 ang nawawala at 16 ang nakaligtas sa paglubog ng isang cargo vessel sa bahagi ng Sta. Ana, Cagayan.
Pasado ala-1 ng madaling araw ng Sabado nang makatanggap ng distress call ang Philippine Coast Guard.
Lumubog ang cargo vessel na MV Emerald Star, 151 nautical miles northeast ng Sta. Ana, Cagayan.
Karga nito ang mga crew na Indian nationals.
Galing North Maluku Province ng Indonesia ang barko at papunta sana ng Lianyungang, China nang tumagilid umano ito sa lakas ng alon at tuluyang lumubog.
Sa ngayon, nailigtas na ng mga dumadaang barko na MV Densa Cobra, MV SM Marinda, at MV Papuan Chief ang 16 na crew.
Pinadala naman ng Philippine Coast Guard Cagayan ang MRRV 4402 pero nahihirapan itong makalapit dahil sa lakas ng alon.
Kasalukuyan pang pinaghahanap ang 11 nawawala kabilang na ang kapitan ng barko.
--Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.