PatrolPH

‘Hindi porke mahirap’: DILG pinahuhuli ang mga namamalimos sa kalye

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2020 05:07 PM | Updated as of Oct 11 2020 05:08 PM

MAYNILA - Hinikayat ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pulisya, mga tauhan ng barangay, at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pamahalaan na aksiyunan ang pagdami ng mga namamalimos sa kalsada.

Sa online news forum ngayong Linggo, sinabi ni DILG Undersecretary Martin Diño na dapat huliin ang mga palaboy na posible aniyang nagkakalat ng virus. 

"Batas ay batas. Dapat iyan hinuhuli ng mga pulis, dapat dinadala sa DSWD kasi baka hindi mo alam, baka ito na ’yung nagkakalat ng pandemya dahil unang-una, exposed ito," ani Diño.

Ilan sa mga mapapansing namamalimos ngyaon sa mga kalsada ay mga nagpakilalang locally-stranded individual, jeepney drivers na hindi pa rin makapasada, at ilan pang nawalan ng trabaho sa gitna ng krisis sa ekonomiyang bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Diño, obligasyon ng mga pulis at tauhan ng barangay na damputin ang mga palaboy at i-turn over sa DSWD, na siya namang mangangalaga sa kanila.

"Wala dapat sila sa lansangan, pandemya tayo ngayon. Walang pinipili ang pandemya," ani Diño.

"Hindi porke mahirap ka, ikaw ay may lisensiya na kumatok at um-ano sa lahat ng mga ano," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.