Babae pinutulan ng ulo, kamay ng ka-live in

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2017 12:58 PM | Updated as of Oct 08 2017 07:13 PM

Ipinakita ng pulis ang mga ginamit umanong bolo sa krimen.

CONSOLACION, Cebu - Patay ang isang babae matapos pagsasaksakin ng kaniyang live-in partner sa Barangay Tayud nitong Linggo.

Narinig umano ng tiyuhin ng suspek na nagtatalo ang pamangkin at ang kinakasama dakong alas-6 ng umaga, kaya minabuti niyang humingi ng tulong mula sa barangay hall.

Pero nang madatnan ang biktima, tumambad na sa mga kapitbahay ang nakahandusay na katawan na biktima sa labas ng bahay ng mag-anak.

Putol na ang ulo at kanang kamay ng biktima.

Napatay naman ang suspek, na may problema umano sa pag-iisip, nang mabaril siya ng mga rumespondeng pulis matapos tangkaing tumakas.

Nakuha sa pinangyarihan ang dalawang bolo na umano'y ginamit sa krimen.

Ipinakita ng pulis ang mga ginamit umanong bolo sa krimen.

Sa paunang imbestigasyon, lumabas na may rekord na sa pulis ang suspek dahil sa paggamit ng droga.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang ugat ng sinasabing away ng magka-live-in at kung ano'ng nag-udyok sa suspek na saksakin ang biktima. -- May ulat ni Charry Coronel, ABS-CBN News

EDITOR'S NOTE: Hindi pinangalanan ng ABS-CBN News ang biktima at suspek para sa kapakanan ng kanilang 4 na anak. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.