Bangkay, natagpuan sa ipinapagawang bahay sa Zamboanga

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2018 01:17 AM

ZAMBOANGA CITY - Natagpuan ang isang bangkay sa isang ipinapagawang bahay sa Barangay Maasin, Zamboanga City Martes ng hapon.

Naghuhukay ang mga construction worker nang aksidente nilang makita ang naagnas na bangkay na nakabalot sa tela.

Hinala ng mga awtoridad, posibleng sinunog ang biktima bago inilibing sa likod ng bahay.

Ayon kay Maasin Barangay Chairman Dolfo Genturales, kilalang mga drug pusher sa kanilang lugar ang dating may-ari ng bahay.

Naaresto umano ng mga pulis ang isa sa magkakapatid sa buy-bust operation noong nakaraang taon.

Wanted naman ang isa pang kapatid dahil sa kasong murder.

Dagdag ni Genturales, naibenta ng magkakapatid ang bahay at lupa noong nakaraang taon.

Naniniwala si Genturales na may kinalaman ang magkakapatid sa pagpatay sa biktima.

Ito na kasi ang pangalawang beses na may nakitang katawan sa nasabing ari-arian.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng natagpuang bangkay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.