PatrolPH

90 porsiyento ng paaralan sa Burdeos, Quezon apektado ng Karding: opisyal

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2022 04:03 PM | Updated as of Sep 29 2022 07:19 PM

DepEd-Quezon.
Napinsala ang ilang paaralan sa Quezon dahil sa pananalasa ng bagyong Karding. Courtesy: DepEd-Quezon.

MAYNILA — Aabot sa 90 porsiyento ng mga paaralan sa isang bayan sa Quezon ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Karding, ayon sa kawani ng Department of Education. 

Siyam na paaralan sa Burdeos, Quezon ang napinsala ng bagyo, ani DepEd-Quezon division engineer Ramir Arbolente. 

"Mga 90 percent po ng eskwelahan sa burdeos ay naapektuhan. Kahit sa hindi kalakasan ang bagyo, dahil sa kalumaan ng classroom eh konting hangin natanggalan sila ng bubong," aniya. 

Watch more News on iWantTFC

Sa Burdeos, nasira ang mga sumusunod na paaralan: 

  • Cabungalunan Elementary School
  • Carlagan Integrated School
  • Caniwan Elementary School
  • Calutcot Integrated School
  • Burdeos Central School
  • Tulan Elementary School
  • Burdeos National High School
  • Anibawan Elementary School
  • Aluyon Elementary School

Una nang nabanggit ng DepEd na aabot sa P112 milyon ang kakailanganin upang maayos ang 20 paaralan sa Polilio at Burdeos na nasira dahil sa bagyo. 

"Gagawa muna sila ng temporary learning space para sa klase," dagdag ni Arbolente. 

Samantala, nasa P32 milyon naman ang pinsala sa agrikultura sa bayan ng Polilio, ayon sa tala ng municipal agricultural office nito. 

Kabilang sa mag napinsala ang mga truck na sumasakay ng roll-on, roll-off (ro-ro) cargo ships upang maglabas ng mga produkto gaya ng saging at kopra. 

"Ang nagbabalik-balik po rito ay 6 na truck lagi araw-araw ngayon po ay isa na lang," anang collector ng Port of Polillo na si Norman Baron. 

Hirap naman sa paghahatid ng tulong sa isla ng Panukulan dahil nasira ang bahagi ng pantalan, ayon kay Quezon Governor Helen Tan. 

"Ang challenge po noong nagdadala kami ng goods dito maliliit na bangka lang kaya ang hirap po na balik-balik at may kalayuan ang Panukulan," ani Tan. 

Kasama ang Panukulan, Polillo, at Burdeos sa 6 na bayan ng probinsiya na isinailalim sa State of Calamity. 

-- Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.