Lalaki binaril sa harap ng asawa sa Naga

Mae Pulvinar, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 01:17 AM

Ang bahay ng in-ambush na chief security ng kapitolyo ng Naga City sa Camarines Sur.

NAGA, Camarines Sur— Sugatan ang isang lalaki matapos siya pagbabarilin sa harap ng kanyang asawa sa Naga, Camarines Sur nitong Huwebes.

Kinilala ang sugatang biktima na si Jose Francisco "Jojo" Musa, 50. Hepe umano ng security unit sa kapitolyo ng lungsod ang biktima.

Ayon sa pulisya, nakaupo sa harapan ng kanyang bahay sa Barangay San Felipe ang biktima at nakikipagkwentuhan sa asawa ng biglang may dumating ang isang lalaki at pinagbabaril si Musa.

Ayon sa mga nakakita, lumakad lang daw ang salarin papunta sa nakaabang na sasakyan at humarurot paalis.

Tatlong slug ng hindi pa nalalamang kalibre ng baril ang nakuha sa pinangyarihan ng insidente.

Dating warden umano ng din ng Tinangis Penal Farm sa bayan ng Pili si Musa.

Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa salarin. Inaalam na ng pulisya ang motibo sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.