30 Chinese na lumabag sa physical distancing sa KTV bar, tinikitan

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2020 10:23 AM

MAYNILA— Napasugod ang mga tauhan ng Makati City Police at Barangay Pio del Pilar sa isang establisimyento sa Urban Avenue sa Makati matapos matunugan na may nagaganap na mass gathering sa loob nito, Sabado ng madaling araw.

Naabutan ng mga pulis sa loob ng KTV bar ang 30 Chinese nationals na walang suot na face mask at face shield at hindi rin umano sumunod sa physical distancing.

Sa loob na mismo ng establisimyento binigyan ng ticket ng mga tauhan ng Makati City Public Safety Department ang mga nahuling Chinese. Kinumpiska rin ang mga identification cards ng mga ito.

Ayon kay Rolando Borbor ng Makati City Public Safety Department, physical distancing lang ang violation ng mga nahuling Chinese. Hindi umano pasok sa curfew dahil nasa loob sila ng gusali. Aniya, kapag curfew, kailangang nahuli sa labas o naglalakad sa kalsada.

Wala rin aniyang natikitan dahil sa hindi pagsusuot ng face mask at face shield sa mga Chinese.

Kailangang bayaran ng mga natikitang Chinese ang multa sa Makati City Hall para mabawi nila ang mga nakumpiskang ID.