MAYNILA — Nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na hindi na nila kayang palawigin pa ang voter registration lagpas Setyembre 30 kahit pa patuloy ang pagdumog ng tao na pumipila madaling araw pa lang.
"As what we have said, en banc already ruled twice not to extend," ani Comelec Commissioner Marlon Casquejo.
Gayunpaman, bukas daw ang Comelec na buksan ang registration nang isa pang linggo matapos ang filing ng certificate of candidacy mula Oktubre 1 hanggang 8.
"Our proposal is to give one week extension after the filing of the COC," aniya.
Dagdag pa ng opisyal, susunod sila sakaling maipasang batas ang mga panukala sa Senado at Kamara na i-extend hanggang Oktubre 31 ang registration.
"We are also aware of the pending bills... mandating Comelec to extend registration until Oct. 31. If that bill will be passed as a law, we will comply," ani Casquejo.
Nauna nang sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na maraming aktibidad ang masasapul sakaling mausog pa ang pagtatapos ng voter registration.
"Ang problema po kasi natin dito ay mayroon tayong schedule of activites at ang schedule of activities na 'yan ay nakadepende sa pagtatapos ng voter registration on Sept. 30. 'Yan ang magiging basehan para sa pagdetermina kung ilang balota ang iimprenta natin, kung gaano kalalaki ang mga presinto at kung ilang presinto," sabi ni Jimenez.
—Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.