PatrolPH

Patakaran sa palugit sa pagbabayad ng utang sa bangko, credit card ginagawa pa

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2020 07:40 PM

Tatlo ang credit card ni Harold Uy kaya naglalaro sa P10,000 hanggang P15,000 ang itinatabi niyang pambayad kada buwan.

Pero wala pang abiso ang mga bangko kaya nag-aabang si Uy kung kailan gagana ang 2 buwang grace period sa pagbabayad ng utang.

"Imbes na magagamit namin doon sa credit card na pambayad, puwede pa namin siyang gamitin sa iba pang bagay, na mas mahalaga katulad ngayong pandemic, medyo kapos sa budget," ani Uy.

Pinaplantsa pa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang formal guidelines pero tiyak na may 2 buwang palugit sa pagbabayad ng mga utang sa bangko at credit card. 

Subalit kailangan daw bayaran lahat ng utang bago matapos ang taong 2020. 

Sa credit card, ang mga binili lang bago mag-Setyembre 15 ang pasok sa grace period.

"Hindi po kasama rito sa mandatory one-time grace period 'yong mga bagong loans na na-approve after September 15 tsaka po 'yong mga credit card purchases after September 15," ani Joyce Suficiente, direktor sa BSP.

Sa utang naman, halimbawa ang due date ay Setyembre 15 at ang amount due ay P10,000 kasali na interes, puwedeng hindi magbayad ng bill ng Setyembre at Oktubre pero pagdating ng Nobyembre 25 ay may bill na ulit.

Kailangan namang bayaran bago mag-Disyembre 31, 2020 ang mga hindi nabayarang September at October bills, pati na ang magkahiwalay na regular interest.

Ibig sabihin, lolobo umano ang babayaran ng mga konsumer bago matapos ang taon.

"Puwede naman po mag-usap bilaterally ang bangko at saka ang borrower, na puwede po nilang i-extend ang grace period," ani Suficiente.

"Kung gagawin ito ng bangko, magkakaroon po sila ng tinatawag na regulatory relief so maa-encourage po ang bangko, may incentive," dagdag niya.

Bawal magpatong ng penalties at interest on accrued interest at iba pang singilin.

Wala naman balak kumagat sa 2-month grace period ang mga gaya ni Jong Sarmiento, na nagbabayad ng P31,000 kada buwan sa sasakyang ginagamit sa Grab.

"Didiskartehan ko na lang na makabayad ako kada buwan para 'di mabigat sa akin pagdating ng December," ani Sarmiento. 

Papaaprubahan pa sa Monetary Board sa Huwebes ang patakaran bago ibigay sa mga bangko at mapakinabangan ng mga may utang.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.