Mag-ama patay sa pamamaril umano ng mga pulis sa Teresa, Rizal

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2020 06:13 AM

MAYNILA - Patay ang isang mag-ama matapos pagbabarilin ng mga tauhan umano ng pulisya sa kanilang bahay sa Sitio Ibabaw 2, Dulong Bayan sa Teresa, Rizal nitong Miyerkoles ng gabi.

Naiulat na ang mga biktima na si Rodel Basi at Omar Pangilinan ay nasa kanilang bahay pasado alas 8 ng gabi at hinatiran ng anak din na si Rommel ng pagkain ang ama. 

Bigla na lang umanong dumating ang ilang operatiba ng Anti-Kidnapping Group Special Operations Unit sa kanilang bahay.

Maya-maya ay umalingaw-ngaw ang dalawang putok ng baril. Nagtangkang lumapit ang ibang kaanak pero sunod-sunod na ang putok ng bari, at dinampot din si Rommel. 

Matapos ang putukan, hindi pinalapit sa crime scene ang pamilya ng mga biktima sa kabila ng pagmamakaawa nila. 

Makalipas ang higit 5 oras, saka lang nakita ng pamilya ang bangkay ng mga biktima at nakita nilang puro sa ulo at dibdib ang tama ng bala. 

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga pulis. 

Ayon sa asawa ni Rodel, tahimik ang kanilang pamumuhay at ang kapatid lang daw niya ang nakakaalitan minsan.

Ayon naman sa sitio leader ng Ibabaw-2, may sumbong na nag-iingat ng baril si Rodel kaya rumesponde ang mga pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.