PatrolPH

Guro naglakad nang 4 na oras para ma-enroll ang mga bata sa liblib na sitio sa Bataan

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2020 05:03 PM

Guro naglakad nang 4 na oras para ma-enroll ang mga bata sa liblib na sitio sa Bataan 1
Si Joneil Deo Destreza na rin ang kumuha ng mga retratro nila at birth certificate para ma-enroll ang mga estudyante. Retrato mula kay Lady Vicencio, ABS-CBN News

MAYNILA — Hindi alintana ni Joneil Deo Destreza ang hirap para lang mapuntahan ang mga estudyante sa liblib na Sitio Kinalakan sa Barangay Ipag, Mariveles, Bataan.

Mabundok ang lugar at walang internet, kaya walang kapasidad ang mga estudyante roon para sa online class ngayong panahon ng pandemya.

Kapos din sila para bumili ng mga gadget tulad ng computer o smartphone.

Matiyagang naglakad nang apat na oras si Destreza, na isang guro ng Alternative Learning System.

Tulad ng ilang mga kabataan sa Sitio Kinalakan, nahinto rin siya noon sa pag-aaral dahil sa hirap ng buhay.

Taong 2009, nagsimula bilang ALS Volunteers si Destreza sa Mariveles. Pero ngayong taon, isa na siyang ganap na guro.

Prayoridad ng ALS ang mga hindi pa nakapagtapos ng pag-aaral pero nais pa rin itong ituloy.

Nagbigay siya ng information form sa mga magulang.

Siya na rin ang kumuha ng mga retratro nila at birth certificate para ma-enroll ang mga estudyante. 

Ginawa na rin doon ang functional literacy test para masukat ang kakayahan ng mga estudyante, lalo na sa pagbabasa.

Nasa 30 estudyante sa elementary at high school ang nakapag-enroll sa ALS mula sa Sitio Kinalakan.

Pinakabata ay ang 6 na taong gulang na nag-enroll sa Grade 1, at 30-anyos naman ang pinakamatanda.

Ayon kay Destreza, masaya ang mga magulang dahil makapag-aaral na ang kanilang mga anak nang hindi na kailangang tumawid ng bundok.

Sayang naman umano ang pagkakataon, ayon sa guro, kaya sa ganitong paraan din niya balak ihatid ang modules ng mga estudyante pagdating ng pasukan.

Mas malaki man ang hamon ngayong school year dahil sa COVID-19, pursigido pa rin siyang ituloy ang kanyang pangarap at sinumpaang tungkulin na makapagbigay ng edukasyon hanggang sa mga lugar na mahirap puntahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.