Buhawi nanalasa sa Marikina; 2 residente nakuryente

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2018 09:26 PM | Updated as of Sep 14 2018 10:53 PM

Natumba ang 2 punong acacia sa Marikina sa pagdaan ng isang buhawi nitong Biyernes ng gabi. Kuha ni John Clyde Palacios

MAYNILA (UPDATED) - Dalawang residente ang nakuryente matapos mabuwal ang mga transmission line sa pagdaan ng isang buhawi sa Marikina City nitong Biyernes ng gabi.

Ayon kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, isinugod sa ospital ang dalawa at ligtas na ang kalagayan.

Dagdag niya, halos 1 kilometro ang radius ng tinahak ng buhawi na nanalasa sa 20 bahay.

Naapektuhan din ng buhawi ang cultural center ng Marikina, kung saan nasira ang 800-sqm na bubong nito.

Natumba rin ang 2 punong acacia sa main road ng J.P. Rizal sa Barangay San Roque at sa Sta. Elena.

"May malakas na hangin, parang ipuipo. It’s like a hurricane sight of wind na tinumba 'yung ilang malalaking puno namin dito, we have century-old acacia trees here in the city, at least may 2 to 3 kaming acacia tree na bumagsak," ani Teodoro.

Kasalukuyang walang kuryente sa 8 barangay sa lungsod at patuloy ang clearing operations, aniya.

"Nagsimula na ang Meralco at inaasahan nila siguro mga 3 hanggang 4 na oras daw ay ilang area ay mabibigyan na ng kuryente ngunit 'yung ibang area ay baka umabot ng bukas ng umaga," aniya. 

Tumutulong din ang Philippine National Police Maritime Group sa road clearing sa lungsod. -- May ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.