Miyembro ng criminal group patay sa engkuwentro sa Zamboanga del Norte

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2020 12:11 PM

Patay ang isa umanong miyembro ng Adjang-adjang criminal group matapos mauwi sa engkuwentro ang isang police operation sa Siocon, Zamboanga del Norte, sabi ngayong Huwebes ng mga awtoridad.

Bitbit ang 3 arrest warrant, nilusob ng mga pulis ang bahay na pinagtataguan ni Lahaba Mujahid Bacolod sa Sitio Dao, Barangay Makiang, ayon kay Police Maj. Rannie Lumactod ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group.

Habang papalapit ang mga operatiba sa bahay ng suspek, bigla umano itong nagpaputok ng baril kaya napilitang gumanti ng putok ang mga pulis, na naging sanhi ng pagkamatay ni Bacolod.

Dinala pa sa Siocon District Hospital si Bacolod pero idineklara siyang dead on arrival.

Nakuha sa suspek ang 2 baril at mga bala nito.

Si Bacolod ay miyembro ng gun-for-hire group sa Zamboanga del Norte at mastermind sa pagpatay sa isang alyas "Engineer Tan" sa Siocon noong 2012, sabi ng mga awtoridad.

Naging miyembro rin siya Adjang-adjang criminal group na sangkot sa kidnapping.

-- Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.