Bureau of Plant Industry, sinita sa Kamara dahil sa onion hoarding | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Bureau of Plant Industry, sinita sa Kamara dahil sa onion hoarding

Bureau of Plant Industry, sinita sa Kamara dahil sa onion hoarding

Vivienne Gulla,

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Muling nasabon ang Bureau of Plant Industry na nasa ilalim ng Department of Agriculture, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Kamara kaugnay ng posibleng hoarding at pag-manipula ng presyo ng sibuyas noong huling bahagi ng nakaraang taon.

Sabi ni ACT-CIS Party List Rep. Erwin Tulfo, kung mahigpit na nag-monitor ang BPI sa mga cold storage facility, at ipinag-utos na ilabas ng traders ang mga iniipit pang supply ng sibuyas noong mabilis sumirit ang presyo, hindi na sana ito nagtuloy-tuloy.

Tugon naman ni William Mugot ng BPI, wala sa guidelines na pwedeng maglabas ng ganoong kautusan ang bureau. Pero inirekomenda na aniya sa Department of Agriculture na amyendahan ito.

Buwelta ni Tulfo, hindi naman batas ang naturang mga alituntunin, kaya pwedeng agad palitan ng BPI. Sabay bitiw ng banta kaugnay ng pondo ng BPI sa susunod na taon.

ADVERTISEMENT

"May hoarding tayo kaya sumirit ang presyo. Kung nagmo-monitor ho kayo, hindi aabot ‘yan d’yan. Kung na-anticipate ninyo, then nabigyan ninyo ng direktiba ang mga trader na ilabas. Are you afraid or natapalan kayo ng something diyan kaya hindi nyo nakita?” tanong ni Tulfo.

“Sa present guidelines namin, hindi talaga namin nako-compel or mako-compel ang traders na nags-store sa cold storage warehouses to release their stocks...We are currently amending the regulation, so that the provisions of the price act will be included in the guidelines, so that we will be able to compel the traders to release their stocks in times of emergency and need,” tugon ni Mugot.

“Napaka-useless nitong BPI na ito, ‘wag nang bigyan ng budget ito… Ano pang silbi ng BPI dito, ‘di ba? Might as well we just give you P1 na budget. Aabangan ko ‘pag sumalang kayo ulit sa plenary ‘yung budget ninyo,” banta ni Tulfo.

Binatikos din ng ilang mambabatas ang desisyon ng BPI na payagan ang pag-aangkat ng nasa 6,000 metric tons ng pulang sibuyas, gayong 75 milyong kilo pa ng locally-produced red onions ang nasa cold storage facilities. May 800 metric tons dito ay dumating na sa bansa.

Kwento ni Nueva Ecija 3rd District Rep. Ria Vergara, namu-mroblema ngayon ang mga magsasaka sa probinsya nila, dahil walang gustong bumili ng lokal na sibuyas sa gitna ng mas murang imported onions.

ADVERTISEMENT

"Sa aking probinsya, sa Nueva Ecija… mayroong higit 3 million bags ng red onions na ngayon ay hindi gumagalaw. Walang trader na gustong bumili, dahil ang gusto nilang presyo ay P70. Ang production cost ng mga magsasaka ngayon, noong farmgate po mga P75 to P80. ‘Pag ikinold storage ‘yan, ang break-even niyan mga P100… Ang landed cost ng imported, ang alam ko baka P30 lang,” sabi ni Vergara.

Dagdag pa ng isang grupo ng mga magsasaka, hindi sila nakonsulta kaugnay ng pag-angkat ng sibuyas.

Paliwanag naman ng BPI, nag-ugat ang desisyon sa naobserbahang pagtaas ng presyo ng sibuyas.

"Before you approve the import plan, did you properly coordinate and consult with stakeholders?” tanong ni Quezon 2nd District Representative David “Jayjay” Suarez.

“Mayroon naman naging consultation. However, itong last na nangyari with the price na medyo tumataas pa rin, that’s what prompted the importation,” tugon ni Sheree Samala ng BPI.

ADVERTISEMENT

"Walang stakeholder meeting itong nangyaring importation… Kaya ang problema is maraming stocks pa sa cold storage… Ang suggestion kasi namin magpasok ng November. Hindi ganoong kaaga. Yung pula. Yung puti magpasok ng September. Ang nangyari, napaaga ang pagpasok, kaya namumrublema ang magsasaka natin,” ayon naman kay SINAG President Rosendo So.

Nag-mosyon si Cavite 4th District Representative Elpidio Barzaga Jr. na bigyan ng show cause order ang mga opisyal ng BPI, at pagpaliwanagin kung bakit hindi sila dapat i-contempt sa ginawang paglalabas ng import permit. Inaprubahan naman ito ng komite.

“Sa madaling sabi, mali ang BPI sa pag-iissue ng import permit, sapagkat apektado ang ating farmers. Kung hindi pa nagrequest ang farmers, hindi kayo magrerequest doon sa importers na idelay ang importation. Tama o hindi?” tanong ni Barzaga.

“Tama po, sir,” tugon ni Samala.

“That shows your incompetence,” sabi ni Barzaga.

ADVERTISEMENT

Inaprubahan din ng komite ang mosyon ni Leyte 4th District Representative Richard Gomez na isailalim sa lifestyle check ang mga taga-BPI, para makita kung may kapalit ang import permits na inilabas para sa sibuyas kahit marami pang local supply nito.

Samantala, inaresto at dinetine sa House of Representatives ang may-ari ng isang cold storage facility, matapos itong i-cite for contempt dahil sa umano’y inconsistent at hindi totoong mga kasagutan nito sa komite. Tatlumpung araw ang itatagal ng parusang detention sa kanya.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.