Cityhood ng Calaca, Batangas aprubado sa ginawang plebiscite | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Cityhood ng Calaca, Batangas aprubado sa ginawang plebiscite

Cityhood ng Calaca, Batangas aprubado sa ginawang plebiscite

Dennis Datu,

ABS-CBN News

 | 

Updated Sep 04, 2022 10:40 AM PHT

Clipboard

Isa nang siyudad ang Calaca, Batangas na dating first class municipality.

Iprinoklama Sabado ng gabi ng municipal plebiscite board of canvassers na nagwagi ang 'yes' votes pabor para sa pagiging lungsod ng Calaca.

Sa isinagawang plebisito, tinanong ang mga rehistradong botante: “Pumapayag ka ba na ang munisipalidad ng Calaca ay gawing isang lungsod ng probinsya ng Batangas, na kikilalanin bilang lungsod ng Calaca alinsunod sa Batas Republika bilang 11544 na kilala din bilang charter of the city of Calaca?

Umabot sa 29,424 ang bumoto ng YES, habang 3,781 lamang ang nagsabi ng NO.

ADVERTISEMENT

Matapos maiproklama ang Calaca bilang lungsod, nagliwanag ang kalangitan sa may munisipyo dahil sa mga fireworks.

Nagpalakpakan at sigawan din ang mga tao sa tuwa.

Sinaksihan ang proklamasyon nina Comelec Chairman Goerge Erwin Garcia, Commissioner Aimee Ferolino, Mayor Nas Ona, First Dist. Rep. Eric Buhain, dating Congresswoman Eileen Ermita–Buhain, at iba pang mga local officials.

May 26,2021 nang pirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11544 na inakdka ni Ermita-Buhain.

Ayon kay Ona, mas mabilis na ngayong mararamdaman ang pag-unlad ng Calaca dahil isa na itong lungsod.

”Ang lahat ng ito ay pagsusumikapan natin na utay-utay na makamit. Hindi ito overnight lamang o hindi makukuha ng isang termino. Ito ay tuloy-tuloy na paggawa,“ ani Ona.

Dagdag pa ng alkalde, ngayong lungsod na ang Calaca, lalaki na ang pondo ng LGU, kaya asahan na ang mas maraming proyekto na magagawa.

“Mas maraming pondo, mas maraming pinansyal na kapabilidad. Nangangahulugan na mas maraming programa at proyekto para sa ating mga Calacazens,” sabi niya.

Isa sa unang gagawin ni Ona bilang pinuno ng bagong lungsod sa Lunes ay ang pagrehistro sa Calaca sa International Association of Character Cities na magtuturo at magbabalik aniya ng moral values sa mamamayan ng Calaca.

“Ibabalik at patitibayin ang pundasyon ng pagigng isang tunay na makabayan at hindi makasariling Calaca,” pahayag niya.

Ang Calaca ay ang panlimang lungsod sa Batangas, at ang unang lungsod sa First District ng lalawigan.

Sinundan nito ang Santo Tomas sa pagiging lungsod noong September 7, 2019.

Ang tatlong iba pang siyudad sa Batangas ay ang Tanauan, Lipa at ang kabiserang Batangas City.

Sa kabuuan, naging matiwasay ang pagdaraos ng plebisito sa Calaca.

Ayon naman kay Ferolino, ngayong natapos na ang plebisito sa Calaca, tututukan naman ng Comelec ang plebisito sa Setyembre 17 na maghahati sa Maguindanao sa dalawang probinsya na Maguinadanao del Norte at Maguindanao del Sur.

Kasunod nito ay ang plebisito sa Oktubre 8 para sa pagsasama ng ilang barangay sa Ormoc City.

“We have 20 plus plebiscites. So ngayon, apat muna for this year kasi we have scheduled barangay elections. So kung matutuloy yung barangay elections, yung apat muna ang tatapusin natin for this year. But kung hindi matutuloy yung barangay elections, maybe we can schedule one more or two more next year ulit,” ani Ferolino.

Watch more News on iWantTFC

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.