19 opisyal ng Immigration bureau kinasuhan dahil sa 'pastillas' scam | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

19 opisyal ng Immigration bureau kinasuhan dahil sa 'pastillas' scam

19 opisyal ng Immigration bureau kinasuhan dahil sa 'pastillas' scam

ABS-CBN News

 | 

Updated Sep 01, 2020 10:22 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kinasuhan ngayong Martes ng National Bureau of Investigation ang 19 na opisyal ng Bureau of Immigration dahil sa 'pastillas' scam.

Matapos ang 5 buwang imbestigasyon, kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang isinampa ng NBI Special Action Unit sa Ombudsman laban sa mga opisyal.

Unang isiniwalat ni Sen. Risa Hontiveros sa Senado noong Pebrero ang modus, kung saan pinapapasok umano ng ilang taga-BI ang Chinese workers sa bansa kapalit ng P10,000 kahit kuwestiyonable ang kanilang mga dokumento. Tinawag na 'pastillas' ang scam dahil sa pamamaraan umano ng pagbibigay ng suhol kapalit ng ilegal na pagpapapasok ng mga banyaga.

Sa pagsampa ng kaso, isinumite ng NBI ang palitan ng Viber messages ng mga suspek sa pag-monitor ng pagpasok ng mga Chinese worker at ang kanilang nakuha umanong suhol.

ADVERTISEMENT

Isinumite rin ang video ng mga Chinese worker na dinadala pa sa loob ng opisina mula immigration counter.

Nakadagdag din sa ebidensiya ang testimoniya ng isang sinagip ng NBI na Philippine offshore gaming operation o POGO worker, na nabiktima ng human trafficking at nakalusot sa immigration.

Kinasuhan din ang may-ari ng travel agency na nagtitimbre umano sa mga immigration officer sa mga paparating na POGO workers.

Sa imbestigasyon, 194 POGO workers ang nakapasok dahil sa modus mula Enero hanggang Marso 2020. Lumabas din na marami sa kanila ay nandito pa rin sa bansa.

Ayon kay NBI Special Action Unit Chief Emeterio Dongallo, hinihinalang ang ilan sa mga nakapasok sa bansa ay sangkot sa mga krimeng may kinalaman sa POGO.

Ayon sa NBI, first batch pa lang ito ng mga taga-BI na kinasuhan.

Patuloy pa raw ang imbestigasyon para sa ibang mga tauhan at opisyal na kasabwat din sa mga naunang pinalusot na POGO workers noong isang taon.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.