Bagong silang na sanggol, kinidnap sa Gingoog City

Maria Cecilia Butardo, ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2019 10:07 PM | Updated as of Sep 02 2019 11:36 AM

GINGOOG CITY, Misamis Oriental - Pinaghahanap ngayon ng mga pulis ang babaeng tumangay sa isang bagong silang na sanggol sa isang paanakan sa health center dito.

Ayon kay Police Lt. Col. Philip Ariel Pontillas, hepe ng Gingoog City Police Station, isinilang ni Marichu Villegas ang pangatlong anak na babae noong Agosto 30, 8:30 ng gabi. Pero nitong Setyembre 1, 5:00 ng madaling araw, wala na ang sanggol.

"Katabi niya ang bata, namalayan pa nga niya na may kumuha, pero inakala lang niya na yung nanay niya ang kumuha kasi sila ang magkasama nung manganak siya," ani Pontillas.

Sa CCTV footage na hawak ngayon ng pulisya, makikita ang isang babae na buhat ang bata habang palabas ng center.

Naglabas na ng cartographic sketch ng babaeng kidnapper ang pulisya base sa paglalarawan ng mga nakakita at nakausap nito bago pa man nawala ang sanggol.

Nakasuot ng face mask, itim na jacket at brown na short pants ang salarin. Nasa 5'5" ang taas nito at may maikling buhok.

Nanawagan naman ang pulisya sa mga nakakakilala o nakakita sa babae na ipagbigay alam sa kanila ang kinaroroonan nito sa pamamagitan ng pagtawag o pagtext sa cellphone number na ito: 09177917575.

Wala pang pahayag ang tagapangasiwa ng center sa nangyari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.