Lalaking nagpuslit ng karne sa mini-mart, arestado sa Taguig

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2020 02:42 AM

Inaresto ang isang 28-anyos na lalaki matapos mahuli umanong magnakaw ng karne sa isang mini-mart sa Bgy. Ligid-Tipas, Taguig noong Sabado. 

Sa ulat ng Southern Police District, pumasok sa tindahan ang lalaki bandang alas-7 ng gabi at nagpuslit palabas ng 2 pakete ng plastic na may lamang frozen na karneng baboy--isang kasim cut at isang marinated na barbecue. 

Nagkakahalaga ng P270 ang dalawang tig-kalahating kilong pakete ng karne. 

Sa ulat, hinabol pa ang suspek ng lalaking staff ng tindahan matapos makita sa security camera ang paglabas niya nang hindi nagbabayad. 

Nahuli siya ng 2 bantay-bayan ng barangay na tumulong sa paghahabol. 

Ayon sa pulisya, walang trabaho ang suspek at taga-ibang barangay. 

Dinala siya sa Substation 5 sa Tipas bago inilipat ng kulungan sa headquarters ng Taguig City Police. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.