3 empleyado ng LTFRB inireklamo sa Ombudsman

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2018 08:44 PM

MAYNILA- Inireklamo ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Aileen Lizada nitong Biyernes ang tatlong empleyado ng ahensya dahil sa isang petisyon para sa pagtataas ng pamasahe.

Ang mga inireklamo ay sina Manolo Labor, ang chief of staff ni LTFRB Chairman Martin Delgra, at sina Rose Gener at Angelo Afante dahil sa umano'y grave misconduct, dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Ang reklamo ayon kay Lizada ay bunsod umano ng pagtutulungan ng tatlo para maaprubahan ang P2.50 na petisyon para sa pagtataas ng pamasahe sa mga pampublikong jeep sa Iloilo.

Ani Lizada, pinag-aaralan pa at hindi pa aprubado ang nasabing petisyon ngunit kinuha raw ito sa kaniyang opisina para papirmahan sa iba pang mga opisina nang hindi niya alam.

Dagdag pa ni Lizada, samu't sari pa ang nakikita niyang paglabag ng tatlong empleyado at hindi niya raw ito basta palalampasin.

-ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.