PatrolPH

Estudyante naglalako ng isda para may pambili ng cellphone sa online class

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2020 01:52 PM | Updated as of Aug 29 2020 08:28 PM

Paglalako ng isda ang naisip na paraan ng isang estudyante sa Rosario, Cavite para makaipon ng pambili ng cellphone na gagamitin sa online class.

Ito'y sa gitna ng pangangailangan ng mga gadget para sa online learning delivery mode dahil bawal muna ang physical classes sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19.

Higit 1 kilometro ang nilalakad ni Ella Mae Fernando, isang Grade 12 student, para makabenta ng isda.

Watch more on iWantTFC

May lumang cellphone si Fernando pero nasira ito nang mahulog sa dagat.

Ngayong nagsimula na ang kaniyang online class sa isang pribadong paaralan nitong Agosto 24, humihiram lang siya ng cellphone kung may mahihiraman kaya hirap siyang makahabol sa klase.

“Nahihirapan po ako maghabol ng subject, hindi ko po ma-search ang kailangang i-search, sariling sikap na lang," ani Fernando.

P5 hanggang P10 ang kinikita ni Fernando sa bawat balot ng isda na ipinapabenta sa kaniya at nasa P600 pa lang ang kaniyang naiipon.
 
Hiwalay na ang mga magulang ni Fernando at nahihiya rin siyang humingi ng pera lalo't ang kaniyang ama ay nawalan din ng trabaho simula noong lockdown.

“Sana naman po 'yung mga taong natulungan ko, maalala nila kami kasi walang wala na po talaga kami," ani Regie Velarde, ama ni Fernando.

Hindi pinapansin ni Fernando ang mga negatibong komento sa kaniya dahil ang mahalaga aniya ay makapagpatuloy siya sa pag-aaral.
 
“Ang goal ko po talaga makapagtapos kasi gusto ko pag-aralin dalawa ko kapatid," ani Fernando.

Apela ni Velarde, matulungan ang kaniyang anak.

”Yang batang po 'yan top 2 sa school nila. Sana po matulungan 'yung bata kasi deserving naman, nag-aaral po 'yan," ani Velarde.

Ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, suspendido ang face-to-face classes at nagsasagawa ngayon ng blended learning methods - o halong offline at online learning - ang mga paaralan para maiwasan ang hawahan.
 
-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.