PatrolPH

Clinical trials ng lagundi para sa COVID-19 symptoms aprubado na ng FDA

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2020 05:25 PM | Updated as of Aug 29 2020 08:31 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Aprubado na ng Food and Drug Adminstration ang pagsasagawa ng clinical trials sa herbal medicine na lagundi bilang supplemental treatment laban sa sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ito ni Department of Science and Technology (DoST) chief Fortunato Dela Peña. Layon aniya nito na matugunan ang mga sintomas gaya ng ubo, lagnat o kaya pananakit ng lalamunan. 

"Ang hangad natin diyan ay ma-address ‘yung mga symptoms katulad ng ubo, lagnat, at iyang mga sore throat kasi malaking bagay kung giginhawa ang ating mga pasyente na may cases diyan sa mga symptoms na iyan," ani Dela Peña. 

Pangangasiwaan aniya ng mga eksperto mula sa Philippine General Hospital ang medical research. 

Magiging kalahok naman sa human trial ang mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) patient na may mild symptoms sa Quezon Institution Quarantine Center, Sta. Ana Hospital at PNP-NCR Community Quarantine Center. 

"Titingnan din natin kung bababa ba ang probability na magpo-progress sila into moderate and severe cases," ani Dela Peña. 

Samantala, posible umanong makita na sa susunod na dalawang buwan ang mga inisyal na resulta ng pag-aaral sa isinasagawang clinical trial tungkol sa virgin coconut oil (VCO), na may "anti-viral property." 

Hinihintay naman ng DOST ang pag-apruba ng FDA na isailalim sa clinical trials ang tawa-tawa. 

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.