MAYNILA — Nagbabala ang mga eksperto mula sa University of the Philippines Diliman na posibleng pumalo hanggang 375,000 ang bilang ng mga magpopositibo sa COVID-19 sa katapusan ng Setyembre.
Base sa kalkulasyon at pag-aaral ng UP-OCTA Research, naglalaro sa 330,000 hanggang 375,000 ang posibleng total COVID-19 cases bago mag-Oktubre.
Bagama't sa unang tingin ay malaki ito, sinabi ni UP professor Ranjit Rye na pababa ang bilang na ito.
Mabuti na lamang ay nakinig aniya ang pamahalaan sa hiling ng healthcare workers na muling isailalim sa modified enhanced community quarantine ang Metro Manila.
Ayon naman kay UP professor Guido David, pababa na rin ang positivity rate o ang bilis ng bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus.
"It’s slowly decreasing... But definitely an improvement."
Dagdag pa ni David, nananatili rin sa critical level na 70 percent ang occupancy rate ng mga hospital bed at ICU sa bansa pero kinakikitaan na rin ito ng senyales ng pagbaba.
Pero giit ng ekonomistang si Marikina Rep. Stella Quimbo, mali ang pamantayan ng mga propesor dahil ang dapat aniya na tinitingnan ay ang case doubling rate o bilis ng pagdoble ng mga kaso.
Sa kanya kasing kalkulasyon, bumibilis ang pagdami ng kaso.
Giit naman ni contact tracing czar at Baguio Mayor Benjamin Magalong, kulang ang mga contact tracers sa mga LGU na may maraming kaso ng COVID-19.
—Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, coronavirus, COVID-19, cases, kaso, pandemya, TV Patrol, TV Patrol Top, UP OCTA research