1 sugatan sa banggaan ng kotse at motorsiklo sa QC

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 09:51 AM

MANILA- Sugatan ang isang motorcycle rider matapos niyang mabangga ang isang kotse sa kanto ng Quezon Avenue at Banawe Street sa Quezon City nitong Linggo ng umaga.

Agad isinugod sa ospital si Charlie Fernandez matapos itong magtamo ng sugat sa ulo. Napag-alaman din na hindi ito nagsuot ng helmet habang bumabiyahe.

Kwento ng driver ng kotse na si Celso Bonote, pauwi na sana siya ng Valenzuela galing Quezon City nang biglang banggain ni Fernandez ang kaniyang kotse pasado alas-5 ng umaga.

"Medyo malakas. Hindi ako nakita ng motor," ani Bonote.

Nayupi ang kanang bahagi ng kotse sa lakas ng pakakabangga samantalang tumilapon naman si Fernandez.

Hindi naman nagtamo ng sugat si Bonote. Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.