Pamamahagi ng educational aid ng DSWD, nauwi sa siksikan, tulakan | ABS-CBN

Featured:
|

ADVERTISEMENT

Featured:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pamamahagi ng educational aid ng DSWD, nauwi sa siksikan, tulakan

Pamamahagi ng educational aid ng DSWD, nauwi sa siksikan, tulakan

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more News on iWantTFC

Nauwi sa siksikan at tulakan ang unang araw ng pamamahagi ng educational aid ng Department of Social Welfare and Development sa mga kwalipikadong estudyante.

Ito ay matapos dagsain ng daan-daang estudyante at kanilang mga magulang ang central office ng kagawaran sa Quezon City.

Marami ang gabi pa dumating para makauna ngunit dahil hindi nasunod ang pila, nahuli rin sa pagkuha ng pera. Kabilang si Ninaliza Mercado na madaling araw nasa DSWD na.

"Pinapunta niya kami dito sabi niya walang problema alas-10 ng gabi nagpunta ako dito PWD ako, lima amg anak ko, nag tiyaga ako dito para lang makakuha ng gamit pambili ng gamit ng anak ko," aniya.

ADVERTISEMENT

"Sir, alam ko may puso kaso, sana bigyan niyo kami, ang dami-dami namin. Hindi po ako magtiyatiyaga dito kung mayaman ako, mahirap lang po ako, ang bahay ko po kubo lubo lang, sako sako," pakiusap niya kay DSWD Sec. Erwin Tulfo.

Bigo rin na makakuha ng ayuda si Roberto Retiro Jr., na kasama pa ang anak sa pagpila. "Grabe nahihimatay na, sumasakit yung ulo, yung anak ko gutom galing kami Manila, dito kami nanghihingi. Pinapunta kami Batasan. Maawa na kayo, lahat papasukin niyo na, lahat ng tao," aniya.

Si Urzula Loayo naman na mula pa sa Caloocan, naipit sa tulakan. "Kanina umaga pa po kami dumating kung saan saan na po kami tinuturo, pipila pila daw kami dun, basta ang hirap po tulakan ng tulakan," ani Loayo.

Ilang senior citizen ang hinimatay, may ilang tinalon rin ang gate ng gusali. Upang mapanatili ang kaayusan, pumuwesto ang mga guardiya at nagdagdag din ng seguridad ang Quezon City police.

Pilit ding pinahupa ang tensyon ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan. Hanggang si mismong si Tulfo na ang humarap at kumausap sa mga tao.

ADVERTISEMENT

Paliwanag ng kalihim, dumagsa rin sa central office ang mga mula sa karatig probinsiya at lungsod imbis na sa kani-kanilang regional office.

"Binuksan din umano ang pamamahagi ng ayuda para sa mag maraming nangangailangan. "Taon-taon ito ginagawa pero di naman ito inaanunsyo so kokonti lang po every year before lalo na this pandemic wala na pong klase pero 2019 po, parang limited lang po eh mga tga UCT lang, unconditional cash transfer, social pensioner lang, ang binibigyan, ang beneficiaries, this time binago, kasi yun din po ang gusto ng gobyerno natin lahat po inclusive lahat po. So ginawa po natin, binuksan natin sa lahat," ayon sa kalihim.

Unang pinapasok ang mga nagparehistro online. Ngunit giit ng mga naiwan, sumunod lang sila sa naunang sinabi ni Tulfo na puwede ang walk-in.

Isa sa mga nagreklamo ang estudyanteng si Francis Lee Recanil. "Panindigan nila yung mga salita nila na uubusin nila kami. Iyun 'yung binatawan nilang salita na di sila titigil hanggang di kami nauubos," giit niya.

"Ang ginawa po natin inuna natin yung mga nag online kasi sinabi ko sa post na online pero sinabi ko rin na meron din kaming walk-in, hindi lang po makapaghintay yung walk-in, inuuna lang po namin yung online, hindi naman po sila ganun karami, sumasabay po yung walk in sa gate namin, nagkasiksikan po doon pero sabi ko naman siguro kapag matapos itong online na in around lunchtime around 2 p.m., ipapasok namin sila, hindi po sila makahintay, nagagalit, sigaw ng sigaw, walk-in walk-in," ayon kay Tulfo.

ADVERTISEMENT

Kalahating bilyong piso ang inilaan para sa proyekto. Isang libong piso ang ibibigay sa mga kwalipikadong elementary student, dalawang libong piso para sa high school, tatlong libong piso para sa senior high school, habang apat na libong piso para mga nasa kolehiyo.

Binigyan ng form ang mga nag-walk in. Makatatanggap sila ng tawag mula sa DSWD kung kailan makukua ang ayuda. Pinayuhan din ang mga nais makakuha ng educational aid na magparehistro online.

"Hihingi lang po ako ng kaunting paumanhin po sa inyong lahat, na anticipate po namin dadagsa po kayo. Ang pakiusap ko po, 'wag po tayo magalit, maging unruly. Tinanong ko rin naman po kayo sa social media kung ano gusto niyo barangay o DSWD, sabi niyo DSWD, kasi sa barangay namimili," paumanhin ni Tulfo.

Naging maayos naman ang pagproseso ng ayuda sa loob ng tanggapan. Nagpasalamat rin ang ilang estudyante sa natanggap na halaga.

"Sobrang saya po kasi may pambayad na po ng tuition. Sobrang laking (tulong) kasi po, mga magulang po namin walang trabaho siyenpre lalo na pandemic sobrang laking tulong po lalo na at nagbabayad ng tuition," pasasalamat ni Angelina Batas.

ADVERTISEMENT

Pasado ala-una, nag-uwian na ang ilang pumila. Nagbigay din ng libreng sakay. Tiniyak naman ni Tulfo na mabibigyan ng ayuda ang lahat ng kwalipikado hanggang sa huling araw sa September 24.

Maglalaan na lang ng ilang araw para sa mga walk-in applicant. Pinaalalahanan naman ang mga nais kumuha ng ayuda na mag-register pa rin online. Ihanda rin ang mga requirement kabilang ang certificate of enrollment o registration at valid ID.

"Mark my word, I'm Secretary Tulfo, dadapaan ko po iyang statement na iyan, na lahat po mabibigyan provided na kayo po ay kasama sa listahan at talagang indigent po kayo," pagtitiyak ng kalihim.

Makikipagtulungan na rin aniya ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan para sa pamamahagi ng ayuda.

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.